KULANG na lang ay sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘suko na ko’ sa COVID-19 na ito!!!
Pero hindi niya magawa at kailangan pa rin niyang ipakita sa publiko ang kaniyang katatagan para makapagbigay pag-asa sa mamamayang Filipino.
Ang tanong ay kaya pa ba? Sana ay kayanin pa! Hindi dapat bumigay si Pangulong Digong, kahit pa sabihin niyang halos ginigisa siya sa purgatoryo sa kasalukuyang kalagayan ng mga Filipino.
Laging all time high ang naitatalang mga kaso. Umabot na sa mahigit 10 libo nitong nakaraang araw. Kahapon ay bahagyang bumaba sa mahigit siyam na libo.
Kung iisipin, gaano karami yung 9 na libo hanggang 10 libo katao na nahahawaan ng COVID-19 araw-araw? Halos 3/4s ng MOA Arena o kaya ay full capacity ng Cuneta Astrodome. Ganun karami ang nahahawa at ganun din kabilis makahawa ang sakit na ito sa kasalukuyan.
Bawat araw na lumipas ay magugulat ka na lang na nagpositibo si ganito, nahawa si ganun at ang masaklap pagbukas mo ng social media, mababalitaan mo na mayroon kang ilang mga kaibigan o kakilala ang pumanaw na dahil sa COVID-19.
Hindi na isang biro mga ka-saksi. At kung tutuusin talaga namang nakakatakot na!!!
Ang totoo habang isinusulat ko ang pitak na ito ay isang linggo na ako na nasa isang ospital sa Quezon City at patuloy na lumalaban. Araw-araw ay may bagong bitbit na pambulaga itong si COVID.
Idedetalye ko ito sa sandaling tuluyan akong gumaling at para maibahagi ko ang aking personal na karanasan sa pakikipaglaban sa sakit.
Pero aaminin ko sa inyo, habang nasa pagamutan at may nababalitaan kang pumanaw dahil sa COVID-19, magsisimula na ang mabilis na tibok ng puso mo dahil ang nangyari sa kanila ay maaari rin mangyari sa iyo dahil ikaw man ay alipin ng karamdaman.
Wala ka nang ibang gagawin kundi ipikit ang iyong mga mata, lumuhod at ipanalangin na sana maging ligtas ka na at gumaling ka na sa sakit.
Pero kailangan maging matapang. Yun ang inaasahan natin kay Pangulong Duterte sa kasalukuyan. Matapang na harapin ang sitwasyon ngayon dahil kung hindi pupulutin talaga tayo sa kangkungan.
Isa sa pinakamagandang naging desisyon ng Pangulo ay ang payagan niya ang mga pribadong kumpanya na bumili ng sarili nilang mga bakuna. Tama ito dahil hindi talaga kayang mag-isa ng gobyerno na sarilinin ang lahat.
Kaya dapat madaliin ito. Para ang bawat kumpanya lalo na yung malalaki ay magiging pananagutan na nila ang bakuna ng kanilang mga empleyado. Kahit paano ay makababawas sa kargo ng gobyerno.
Marami rin ang malalaking kumpanya sa Pilipinas ang matagal nang ipinapakiusap ito sa Pangulo. Salamat at once and for all ay nakinig siya.
Sa panahon ngayon lahat ng tulong at suporta ay mahalaga. Dapat lahat magkaisa. Isantabi na muna siguro ang pulitika.
Ito ang gusto kong marinig sa Pangulo sa mga susunod niyang pagsasalita at pagharap sa mga Filipino. Manawagan siya sa lahat ng pagkakaisa. Kailangan natin ito para makaalpas tayo sa mabigat na dagok ng pandemya.
Kapit Lang mga ka-Saksi.
