SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA
TAONG 1964, nang ang pambansang koponan ng basketball sa Pilipinas ay nakapaglaro sana sa ikaanim na sunod na pagkakataon sa Olympic Games, ngunit hindi ito nangyari.
Sayang, dahil noong mga panahong iyon ay sikat na sikat sa bansa ang naturang sport– salamat sa panlimang puwestong nakamit ng pambansang koponan noong 1936 Berlin Olympics.
Ang Pilipinas ay naging unang bansa rin sa Asya na naging no.3 sa mundo nang pangunahan ang koponan ni Carlos “The Big Difference” Loyzaga sa World Men’s Championship sa Rio de Janeiro, Brazil noong 1954.
Inakay rin niya ang pambansang koponan sa Asian Games noong 1951, 1954 at 1958; at tatlong Asian Confederation (ngayon ay FIBA Asia) mula 1960.
Gayunpaman, hindi siya nakasama sa lineup ni coach Tito Eduque matapos ma-injure ang kamay habang naglalaro ng softball sa inter-department tournament ng Elizalde Group of Companies. Si Caloy ay empleyado ng naturang kumpanya at miyembro din ng tanyag na YCO Painters basketball team.
Ang mas masakit, natalo ang pambansang koponan ng Pilipinas sa Indonesia, 98-66, sa 1964 Olympic qualifier na idinaos sa Yokohama, Japan. Unang pagkatalo ito ng Pilipinas sa Indonesia sa basketball, sa alinmang international competitions– SEA Games, Asian Games, Asian Championship, at Olympics.
Samantala, sa 1964 Olympics din nakuha ng Pinoy featherweight boxer na si Anthony Villanueva ang kauna-unahang silver medal ng bansa mula nang unang lumahok tayo sa tuwing ikaapat na taong palaro noong 1924 sa Paris.
Ang team ni coach Tito ay binubuo nina Ed Ocampo bilang kapitan de bola, Engracio Arazas, Narciso Bernardo, Felix Flores, Renato Reyes, Manny Jocson, Alfonso Marquez, Eddie Pacheco, Alberto “Big Boy” Reynoso, Edgardo Roque, Elias Tolentino at Arturo Valenzona. Si Gerry Cruz, ang pambato ng Far Eastern University Tamaraws sa UAAP, ang pumalit kay Loyzaga sa koponan.
Bukod sa pagkabigo sa Indonesia, yumuko ang mga Pilipino sa Mexico, 85-90; Cuba, 69-84; Austrasalia, 69-71; at Canada, 63-68. Wagi naman ang national team laban sa Malaysia, 85-55; Republic of China (Taiwan), 95-71;
Thailand, 98-71; at South Korea, 90-58. Natapos ang qualifiers na may 4-5 panalo-talong kartada ang mga Pinoy.
Unang naglaro sa Olimpiyada ang pambansang koponan noong 1936 sa Berlin, 1948 sa London, 1952 sa Helsinki, 1956 sa Melbourne at 1960 sa Rome. Muling nakabalik ang Philippine basketball team noong 1968 sa Mexico at kahuli-hulihan noong 1972 sa Munich.
168
