PINALILIPAT ng isang mambabatas sa Kamara ang mahigit P9 billion na pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na hindi nila nagastos noong 2020.
Ginawa ni House deputy minority leader Carlos Zarate ang pahayag kasunod ng report ng Commission on Audit (COA) na umaabot sa P9.352 billion halaga ng proyekto ng AFP at PNP noong 2020 ang hindi natapos.
Nabatid sa COA na 41 proyekto ng AFP na nagkakahalaga ng P6,812,295,233.40 na nakapaloob sa 2020 national budget ang hindi nakumpleto o natapos sa itinakdang panahon.
“The military also has nine suspended projects amounting to P940,463,472.13 and one terminated project worth P12,212,589.83,” ayon pa sa mambabatas base sa COA report.
Tumataginting na P1,693,669,525.55 naman ang hindi umano nagastos ng PNP para sa procurement contract ng Special Action Force (SAF).
“Added all together this amounts to at P9.352 billion that could have been used to help our kababayans. Di pala kayang tapusin ang mga proyekto pero hingi ng hingi ng budget sa halip na itinulong na lang sana ito sa mga naghihirap sa ngayon,” ayon pa sa mambabatas.
Sa ngayon ay hindi makausad ang Bayanihan 3 para sa pangatlong ayuda sa mamamayang Filipino na labis na naapektuhan sa pandemya dahil hindi nagbibigay ng garantiya ang Malacañang na may pagkukunan ng P401 billion na pondo.
Gayunpaman, maraming pondo umano ang hindi nagagastos ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng mga nabanggit subalit ayaw galawin gayung kailangang kailangan ng mamamayan ang agarang tulong.
“These unspent budgets can also be a source of corruption within the AFP and the PNP so this must be scrutinized deeply and very carefully,” pangamba ni Zarate. (BERNARD TAGUINOD)
145
