‘DI NAIBALIK ANG DIGNIDAD NG COMMUTERS

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

MUKHANG pahiya si ­out-going Department of Transportation (DOTr) ­Secretary Arthur Tugade sa sinasabi niya noong 2020 na naibalik na niya ang dignidad ng mga mananakay lalo na sa Metro Manila.

Mas lalo yatang lumala, Mr. Secretary, ang sitwasyon sa lansangan dahil hindi na kailangan ng commuters ang araw-araw na exercise dahil sa pagsakay pa lamang ay ubos na ang kanilang lakas dahil sa pakikipagbalyahan.

Nakikipaghabulan, babae man o lalaki, bata man o matanda para makasakay lang sa mga bus at jeepney na ­mangilan-ngilan na lamang ang bumibiyahe dahil masyado nang mataas ang presyo ng krudo.

‘Yung nakapila sa Metro Rail Transit (MRT) at maging dun sa mga carousel bus ay ­milya-milya ang pila araw-araw, sa umaga at sa hapon, bago sila makasakay at siksikan pa kaya nasaan ang dignidad dun?

Sige, sabihin na lang nila na ‘namana namin ang problemang yan’ pero anim na taon sila sa poder at sa loob ng anim na taon ay hindi man lang nagawan ng paraan ang problemang ito?

Sa mga may sasakyan, ang problema lang nila ay trapik pero ang mga ordinaryong mamamayan ay doble ang dinaranas nilang parusa sa pagpasok at pag-uwi mula sa kanilang trabaho, pahirapan na sa pagsakay, trapik pa.

Malamang ay alam ng DOTr ang sitwasyon lalo na sa Monumento sa Caloocan City at maging sa Commonwealth Ave., Quezon City at sa halos lahat ng lugar sa Metro Manila tuwing umaga at kapag magtatakip-silim.

Abang-aba ang kalagayan ng commuters at nauubos ang oras nila sa lansangan imbes gugulin sana nila ang kanilang libreng panahon sa kanilang pamilya lalo na sa mga anak.

Saan ka nakakita na ‘yung manggagawa na nagtatrabaho sa Makati ay apat na oras ang nauubos na oras bago makauwi sa kanilang bahay sa Caloocan City? Saan ang dignidad dun?!

Kaya dumarami ang bumibili ng sasakyan, mapamotor man o kotse dahil hindi naram­daman ang ipinagmamalaki ng DOTr na naibalik na nila ang dignidad ng commuters.

Kung mapapansin n’yo, sangkatutak na ang nagmomotor dahil kung aasa sila sa transportasyon malamang ay mawawalan sila ng trabaho ­dahil lagi silang late sa pagpasok.

Sangkatutak na rin ang apat na gulong dahil may mga tao na may kakayanan sa buhay ang bumibili ng dalawang sasakyan para kapag color coding ang isa ay meron silang magamit na iba pa.

May domino effect ‘yang trapik dahil nangangahulugan lang na hindi nababawasan bagkus ay dumarami pa ang mga sasakyan sa lansangan na ang epekto ay matinding trapik.

Kung maayos lang ang transport system, malamang na mas gugustuhin ng mga tao ang mag-commute na lang dahil mas mura kumpara sa ­gastos mo sa krudo sa ­sasakyan mo at iwas hassle pa pero wala eh, parang walang nangyari sa anim na taon nyo.

226

Related posts

Leave a Comment