HINIMOK ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga pamilyang Pilipino na magbalik-bakuran o magtanim sa sariling bakuran upang makatulong sa pagtugon sa tumataas na presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.
Iniulat ng DILG na umaabot na sa 16,609 ang HAPAG (Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay) sites sa mga barangay sa buong bansa, na nagsisilbing alternatibong mapagkukunan ng pagkain para sa mga komunidad.
Ayon sa kagawaran, ang mga community garden ay tumutulong upang mapabuti ang food security at mabawasan ang gastusin ng mga kabahayan sa gitna ng epekto ng pandaigdigang sitwasyon, kabilang ang tensyon sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa presyo ng langis at pagkain.
Ang programang HAPAG sa Barangay, na inilunsad noong 2023, ay nagtataguyod ng backyard gardening at paggamit ng shared community spaces para sa pagtatanim ng sariwang ani.
Pagsapit ng 2025, tinatayang halos 700,000 kabahayan na ang nakapagtatag ng sariling bakuran, na tumutulong sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapalakas ng nutrisyon at pagsusulong ng sustainable urban agriculture.
Binigyang-diin ng DILG na ang sobrang ani mula sa mga bakuran ay maaaring magsilbing “natural price stabilizer,” dahil maaari itong direktang makonsumo o maibenta sa mas mababang presyo sa loob ng komunidad.
Noong 2025, umabot sa tinatayang P12 milyon ang kita ng mga komunidad mula sa HAPAG initiatives.
Iniulat din ng DILG na tumaas ang bilang ng mga ordinansang sumusuporta sa urban gardening, na umabot na sa 36,979 mula sa 24,238 noong unang semestre ng nakaraang taon.
Ayon sa kagawaran, sa pamamagitan ng mga programang tulad ng HAPAG, nagiging mas abot-kamay ang alternatibong pinagkukunan ng pagkain at nababawasan ang pinansyal na pasanin ng mga Pilipino.
(JESSE RUIZ)
69 