TINIYAK ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na paiigtingin ng pamahalaan ang crackdown laban sa smuggling, bentahan at iligal na pagmamanupaktura ng sigarilyo sa bansa.
Ito’y kasunod ng pagkakasamsam ng humigit-kumulang ₱400 milyong halaga ng sigarilyo, makinarya at tax stamps sa sinalakay na ilegal na cigarette manufacturing warehouse sa Barangay Panipuan, Mexico, Pampanga.
“Nagsama-sama ang joint task force ng PNP, Bureau of Customs at BIR para matigil na ang ganitong ilegal na aktibidad,” ani Remulla matapos inspeksyunin ang sinalakay na bodega.
Inihayag din ng kalihim na iniimbestigahan ang dalawang politiko mula sa Northern Luzon na hinihinalang sangkot sa operasyon.
“We suspect there are two northern Luzon politicians behind it. Sila ang masterminds, sila ang financiers,” saad ni Remulla.
Ayon pa sa kalihim, pinaniniwalaang kontrolado ng dalawang mambabatas ang “entire ecosystem” ng iligal na tobacco trade.
Kasabay nito, bineberipika na rin ng mga awtoridad ang ulat na may hindi bababa sa sampung iba pang ilegal na cigarette manufacturing sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
(JESSE KABEL)
3
