SANG-AYON si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paggamit ng diplomatikong paraan sa pagharap sa umiigting na “war of words” sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at Tsina kaugnay ng pinagtatalunang West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, batid ng Pangulo ang nagpapatuloy na palitan ng pahayag sa pagitan ng ilang opisyal ng Pilipinas at ng Chinese Embassy, na humantong sa panawagan ng ilang mambabatas na ideklara ang isang opisyal ng embahada bilang persona non grata.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang deklarasyon ng persona non grata ay isa sa pinakamabigat na hakbang diplomatiko na maaaring ipataw laban sa isang dayuhang diplomat at dapat lamang ituring bilang “option of last resort.”
Dagdag ng DFA, nananatili itong committed na maresolba ang alitan sa pamamagitan ng dayalogo at patuloy itong may direktang komunikasyon sa pamahalaan ng Tsina hinggil sa mahahalagang isyung bilateral at internasyonal.
“Ito ay alinsunod sa bisyon at gabay ng Pangulo bilang pangunahing arkitekto ng patakarang panlabas ng bansa,” ayon sa pahayag ng DFA na binasa ni Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sinabi rin ni Castro na nais ng Pangulo na manatiling matatag ang posisyon ng pamahalaan ngunit ginagawa ito sa paraang diplomatiko. “Puwede namang magkaroon ng matibay na aksyon na may kasamang diplomasya,” aniya.
Nauna nang sinabi ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas na ipagtatanggol nito ang reputasyon ng kanilang bansa kasunod ng panukalang ideklara ang isang opisyal ng embahada bilang persona non grata.
(CHRISTIAN DALE)
9
