DPA ni Bernard Taguinod
HINDI ako nawawalan ng pag-asa na darating pa rin ang araw na magkakaroon ng disiplina ang mga Pilipino sa pagtatapon ng basura pero hindi pa sa panahon natin ngayon dahil hindi tayo naturuan ng tamang pag-uugali.
Iyan ang dahilan kaya marami ang nagmumungkahi sa mga mambabatas na gayahin ang education system ng Japan na sa unang tatlong taon ng mga kabataan sa eskuwelahan ay hinuhubog sila sa tamang asal imbes sa eksaminasyon, pero dedma sila.
Marami ang kampanya at panawagan na huwag magtatapon ng basura kung saan-saan pero walang sumusunod. Kahit ang mga bata ay hindi marunong sa tamang pagtatapon ng basura dahil may nakikita ka sa lansangan na itinatapon lang sa kalsada ang pinagbalatan ng kanilang kinakain.
Dahil iyan ang nakasanayan nila, hanggang sa paglaki ay gagawin nila ‘yan at kapag may sumita sa kanila ay sila pa ang magagalit kaya hindi na ako nagtaka na ‘yung matatanda ay nagtatapon ng sofa, refrigerator at iba pang sirang kagamitan sa mga estero at iba pang waterways na nagiging dahilan ng pagbaha.
Dalawampu’t limang taon na ang Republic Act (RA) 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 para sa tamang pagtatapon ng basura at paghihiwalay ng nabubulok sa mga hindi nabubulok pero may sumusunod ba? Wala as in wala!
Nangyayari iyan dahil walang bait sa sarili ang karamihan sa mga Pilipino dahil hindi tayo hinubog ng tamang asal sa pagtatapon ng basura, tamang pagtawid, paggalang sa kapwa. Mukhang panglalamang ang inukit sa ating kokote.
Bawat LGU ay may kinokontratang private contractor sa paghahakot ng basura na bilyon-bilyong piso ang halaga pero hindi nila tsinetsek kung tama ba paghahakot ng basura at hindi rin nila sinusunod ang nasabing batas.
Kung susubaybayan lang ng LGUs ang mga garbage truck, malalaman nila na hindi naman sila naghahakot talaga ng basura at pinipili lang nila ang mga basurang hinahakot nila…’yung puwede nilang i-recycle at ibenta.
Kaya makikita mo na karamihan sa mga garbage truck ay mas maraming kalakal ang laman kaysa basura at binabayaran ang mga iyan ng taxpayers pero dedma ang LGUs na kumontrata sa kanila.
Matagal nang problema ‘yan kaso walang sumisita sa kanila kaya mas maraming basura ang naiiwan nila kaysa nahahakot dahil mas inuuna ng mga basurero ang pangangalakal kaysa maglinis.
Ang masaklap naman sa gobyerno, saka lang inaasikaso ang problema kapag nagkabaha na gayung ang haba ng summer season para sila ay maglinis sa mga daluyan ng tubig pero hindi nila ginagawa.
Saka lang kumikilos ang gobyerno lalo na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at Local Government Units (LGUs) kapag lubog na sa baha ang Metro Manila, pero sa panahon ng tag-init, mukhang nasa loob lang sila ng kanilang malamig na opisina. Mga hunghang ‘di ba?
