DISKRIMINASYON SA MGA KATUTUBO

PUNA

AYON sa batas, ang mga katutubo ay may mga karapatan tulad ng sa ordinaryong mamamayan kaya’t hindi sila dapat minamaliit lalo na kung nauugnay sa ekonomiya at kondisyong panlipunan.

Kaya naman, mali ang ginawa ng Victory Liner Bus Inc. na hindi pagpapasakay sa isang pamilya ng Aeta na papauwi ng Pampanga noong parahin ang nasabing sasakyan sa EDSA.

Sinabi ni Mikhael Petito, isang concerned citizen, nag-aabang siya ng bus sa EDSA sa gawi ng Pasay nang makita niya ang pamilya ng Aeta na tulad niya ay nag-aabang din ng masasakyan.

Naibahagi sa kanya ng pamilya na may ilang oras na silang nag-aabang nang masasakyan subalit dalawang bus na ng Victory Liner na kapwa air-conditioned bus ang dumaan subalit hindi pinansin ng driver nito ang kanilang kaway o pagpara sa sasakyan.

Sa gitna ng kuwentuhan, may dumaang isa pang air-conditioned bus ng nasabing kumpanya at tulad ng mga nauna, lumapas lang ang mga ito at hindi pumara sa bus stop kung saan naghihintay ang pamilya ng Aeta at ang mapagmalasakit na si Petito.

May sumunod naman sasakyan na pinara ng pamilya na nagkataong ordinary bus na sa awa naman ng Maykapal ay tumigil at pinasakay ang pamilya at naiwan na si Petito na patuloy pa rin ang awa sa kanyang dibdib bukod sa inis sa kumpanya ng bus na ang husay sa diskriminasyon.

Dapat sana ay maimbestigahan ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang driver at mismong Victory Liner Bus Inc. upang mabatid kung bakit nila pinaiiral ang diskriminasyon.

Ang Victory Liner ay isa sa mga pinakamatandang bus company sa bansa at ang kanilang orihinal na ruta ay Caloocan-Zambales at sa Zambales matatagpuan ang mga katutubong Aeta.

Bagaman may katagalan na ang pangyayari, at upang hindi na maulit pa, makabubu­ting bigyan ng leksyon ang driver ng bus kasama ang konduktor at maging ang pamunuan ng nasabing kumpanya sa pagbibigay ng katarungan para sa panlalait at panlilibak sa mga katutubo.

Dapat, bilang public transport, walang karapatan ang mga ito na mamimili ng kanilang pasahero.
Bukod sa LTO at LTFRB, maganda sigurong mabigyang atensiyon ito ng Kongreso upang magkaroon naman ng silbi ang mga mambabatas na nasa committee on indigenous people.

Maging pantay-pantay lang sana ang pagtingin ng lahat ng mga Pilipino sa ating mga katutubo dahil tulad natin, sila ay mga Pinoy din. JOEL AMONGO

 

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

 

1328

Related posts

Leave a Comment