DISMAYADO SA PBBM ADMIN DUMARAMI

PUNA ni JOEL O. AMONGO

SAMU’T SARING pag-PUNA ang inaabot ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa mabagal nitong pagtugon sa krisis sa langis sa bansa.

Imbes na pahupain ang galit ng sambayanang Pilipino ay dinagdagan pa ng pagsasabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na wala pang krisis sa langis, sa kabila ng kaliwa’t kanang pagtataas ng mga gasolinahan ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo.

Kundi pa nagalit ang mga senador sa kabagalan ng aksyon ng pamahalaan sa malaking problemang kinahaharap ng bansa ay hindi pa gagawa ng aksyon si PBBM, sa pamamagitan ng paglagda sa state of national energy emergency.

Nagalit na nga ang transport sector dahil ang inaprubahan ng Land Franchising Regulatory Board (LTFRB) na taas-pasahe ay biglang binawi ni PBBM.

Ayon kay Manibela president Mar Valbuena, ‘yun na nga lang ang kanilang inaasahan na kahit paano ay hindi maging masyadong pabigat sa kanila ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng diesel, ay ipinagkait pa sa kanila ni PBBM.

Mas pabor pa sa grupong transportasyon ang taas-pasahe kaysa ayudang minsan lang mangyayari.

Isa pang pasanin sa mga Pilipino ay ang pagtaas ng presyo ng Liquified Petroleum Gas (LPG) na umaabot na ng mahigit sa P1,400 ang MGas at P380 sa super kalan.

Gusto ko na tuloy maniwala sa sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mahinang lider si PBBM.

Tila iba ang pinagkakaabalahan niya kaysa trabaho niya bilang isang presidente ng bansa.

Kundi niya magagawang solusyunan ang suliranin, pwede naman niyang utusan ang kanyang gabinete lalo na ang Department of Energy (DOE), na kumilos para mapahina ang epekto ng krisis na dulot ng giyera sa Gitnang Silangan.

Kaya lang dahil sinabi nga ni Usec. Castro na wala pang krisis sa langis ang Pilipinas kaya hindi sila gumagawa ng aksyon. Ganun ba ‘yun, Anti Kler?

Tuloy marami ang nagsasabi na ang ginagawa na lang ng kasalukuyang administrasyon ay pagtatakip sa kanilang kapalpakan.

Ay naku, Dodong BBM, bababa ka na sa pwesto mo, wala ka pang nagagawang mabuti na hindi makalilimutan ng mga Pilipino.

Inaasahan ng mga Pilipino na kaya ka ibinoto dahil ito ay “redemption” sa masamang imahe na iniwan ng iyong ama.

Kaya lang nilagpasan mo pa ang korupsyon na isyu sa kanya.

Kung naitala ang korupsyon sa pamumuno ng tatay mo sa Guinness World Records, baka double makuha mo.

oOo

Binabati pala natin ng belated happy anniversary si Tito Don Robert Calosa at Tiya Len Calosa ng Parañaque City at belated happy 10th birthday kay Fleford.

Ganoon din kay Chelsea Joy na magtatapos na may honor sa elementary ng Saint Joseph of Lawang Bato Inc.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com

72

Related posts

Leave a Comment