DISQUALIFICATION CASE VS BRGY. CHAIRMAN ET AL ISINAMPA SA COMELEC

PUNA ni JOEL O. AMONGO

DISQUALIFICATION case ang isinampa sa Commission on Elections (Comelec) laban kina Alfredo ‘Freddy’ Roxas na tumatakbo bilang barangay captain; Kris Roxas-Aliento, Pedro Mahusay, Arnel Gabito, Butch Rosales, Perla Adea, Alex Rivera at Sofronio Grimaldo na pawang kandidato naman bilang kagawad sa Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.

Batay sa salaysay nina Rey Miranda, Marvin Miranda at Ronald Go, ang reklamo ay dahil sa maagang pangangampanya ng nabanggit na mga personalidad.

Nagkaroon umano ng pagtitipon ang SAPIKA Homeowners Association noong September 9, 2023 at nakita sa pagtitipon na iyon sina Alex Rivera, Perla Adea, Pedro Mahusay, Arnel Gabito, at Butch Rosales na pawang mga kandidato sa pagka-kagawad ngayong barangay election.

Nakita rin ang mga ito na nakikipag-kamay at nakikisalamuha sa mga tao sa isang singing contest, ito ay para makakuha simpatya ng mga tao. Hinarana pa ni Kagawad. Adea ng kantang ‘I Believe’ ang mga dumalo, habang ang isa pa ay umawit naman ng ‘Bakit ngayong ka lang’.

Nakuha rin ng mga kagawad na dumalo na maging hurado sa singing contest kahit labas na ito sa kanilang mandato.

Nakalagay pa sa reklamo na bago magsimula ang singing contest ay isa-isang tinawag sa entablado ang mga opisyal ng nasabing barangay para magtalumpati na animo ay nangangampanya na sa mga residente ng Brgy. Kaligayahan na dumalo sa pagtitipon, kahit wala pa sa panahon ng pangangampanya.

Isa pa sa naging basehan ng pagsasampa ng reklamo sa Comelec ang nagkalat na posters, stickers, at iba pang campaign paraphernalia nina Alex Rivera, Perla Adea, Pedro Mahusay, Arnel Gabito, at Butch Rosales sa Barangay Kaligayahan.

Kung pagbabasehan ang Section 80 ng Omnibus Election Code, mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya o ang premature campaign sa lahat ng mga kandidato kapag sila ay nakapaghain na ng certificate of candidacy.

Umaasa ang mga naghain ng reklamo na maaksiyunan agad ang usapin sa Comelec bago pa dumating ang kampanyahan sa Barangay at SK elections na itinakda sa Oktubre 19 hanggang 28 ng taong kasalukuyan.

“Candidates are further prohibited from promoting their advocacies through various platforms, posting campaign materials on public streets, or producing election-related materials from September 3 to October 18, 2023,” ayon sa Comelec.

Kailangang sa tuwing panahon ng eleksyon ay patas ang labanan sa mga kandidato, hindi pwedeng nakalalamang ang mga nakaupo laban sa mga hindi pa nakapwesto.

Hayaan n’yo na ang mga botante ang humusga sa inyo kung kayo ba ay karapat-dapat na aming pagkatiwalaan.

Ang BSK elections ay labanan ng mga magkakapitbahay kaya dapat patas tayo sa ating mga kapitbahay.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

252

Related posts

Leave a Comment