BAHAGYANG nagdulot ng tensyon sa mga doctor, guro, mag-aaral at staff ng De La Salle University Medical Center (DLSUMC) ang natanggap na text messages na umano’y may nakatanim na bomba sa paligid nito sa Dasmariñas City, Cavite noong Huwebes ng hapon.
Ayon sa ulat ni Police Corporal Arthur Rejano ng Dasmariñas City Police, dakong alas-3:09 ng hapon nang makatanggap ng text si Mansueto Ibabyo y Mejia, 60, security guard ng DLSUMC, mula sa number na 09329788456 na may mensaheng: “Mga guro, estudyante at opisyal ng HIS, gusto ko malaman ninyo na kaming CPP-NPA-NDF ay nagplanta ng IED sa palibot ng inyong institusyon na sasabog ngayong tanghali.
Meron pa kayong oras para hanapin ang bomba at magpaalam sa iyong pamilya.”
Agad namang nagtungo ang mga operatiba ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Dasmariñas CPS at Provincial Explosive Canine Unit (PECU) sa DLSUMC sa Brgy. Burol Main, Dasmariñas City, Cavite at kinordon ang area at nag-inspeksyon subalit negatibo ang resulta.
Ipinadala naman ang number ng sim card sa Cavite Cybercrime Unit upang masuri at malaman kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing sim card.
(SIGFRED ADSUARA)
