PINANGUNAHAN nina Dr. Albert Francis E. Domingo, MSc, Officer-in-Charge–Assistant Secretary of Health at DOH Spokesperson, kasama si Ms. Maria Kristina May L. Marasigan, Director IV ng Health Promotion Bureau (HPB), ang programang “Care for Yourself, Care for Others” na ginanap sa Cavite National High School (CNHS) sa Cavite City nitong Oktubre 21, 2025.
Ang aktibidad ay bahagi ng Mental Health Month Celebration ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at ng Senior High School Department ng CNHS, na layuning itaguyod ang kalusugang pangkaisipan at kabuuang kapakanan ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin sa programa ang kahalagahan ng pag-aalaga sa sarili at sa kapwa, pati na rin ang pagpapalakas ng suporta sa mental health sa mga paaralan upang matulungan ang mga estudyante sa pamamahala ng stress at trauma matapos ang mga sakuna.
Kasabay ng naturang aktibidad, inilunsad din ng DOH ang kampanya laban sa trangkaso (flu) bilang bahagi ng kanilang patuloy na adbokasiya para sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Nagtapos ang kaganapan sa isang “Commitment Setting Activity,” kung saan lumahok ang mga mag-aaral, guro, at mga opisyal ng DOH upang ipakita ang kanilang suporta at pagkakaisa sa pagpapalaganap ng kamalayan sa kalusugan ng isip.
