DOH nilabag ang Bayanihan Law P1-M SA NAMATAY NA HEALTH WORKERS, ‘DRAWING’

MAITUTURING na isang “criminal act” ang pagkabigo ng Department of Health (DOH) na maibigay ang kumpensasyon na P1 milyon sa namatay at P100,000 sa nahawa ng virus na mga health frontliner habang nilalabanan ang pagkalat ng coronavirus 2019, alinsunod sa batas, ayon kay Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara.

Dahil dito, nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang senador sa DOH matapos matuklasan na nabigo itong ibigay ang kompensasyon sa mga health worker na tinamaan ng COVID-19 dahil sa kawalan ng implementing rules and regulations (IRR).

Sa ginanap na plenary debates hinggil sa Senate Bill No. 1564 o ang panukalang Bayanihan to Recover as One Act, natuklasan na wala pang nakuhang kumpensasyon ang mga pamilya ng namatay at nagkasakit na health workers sa pagtulong sa mga Filipino na labanan ang COVID-19 sanhi ng kawalan ng IRR ang ahensiya sa probisyon na ito sa batas.

Itinuturing ni Angara na isang “criminal act” ang ginawa ng DOH dahil lumilitaw na nagpabaya ang ahensiya sa pagpapalabas ng IRR kaya naantala ang pagbibigay ng benepisyo sa mga COVID-19 frontliner.

“I’m very disappointed to hear the response from the DOH. The Senate labored, burned the midnight oil to pass Bayanihan One. It’s quite upsetting to find out that so many months have gone without the DOH crafting the IRR here.

So many health workers have suffered, whether they have died or have been severely afflicted with the COVID virus. Again, it’s very upsetting,” ayon kay Angara.

“It’s really criminal, this neglect to pass this (IRR); to delay these types of benefits. We keep praising them as our heroes but it’s mere lip service if we don’t give them anything material,” dagdag niya.

Sa ilalim ng Section 4(f) ng RA 11469 o ang Bayanihan to Heal as One act, makatatanggap ng tig-iisang milyong piso ang sinomang health workers sa pribado o pampublikong pagamutan na namatay habang nilalabanan ang COVID-19 pandemic.

Bibigyan din ng P100,000 ang health workers sa pribado at pampublikong ospital na nahawa ng COVID-19 habang nagtatrabaho sa kani-kanilang institusiyon.

Pinalutang ni Senador Richard Gordon ang naturang isyu na siyang naghain ng probisyon sa batas bilang pamamaraan ng pagkilala sa sakripisyong ginawa ng mga health frontliner upang labanan ang COVID-19. ESTONG REYES

214

Related posts

Leave a Comment