TILA dumaraan sa butas ng karayom si dating Presidential Spokesman Atty. Harry Roque matapos tiyakin ng Department of Justice (DOJ) na haharangin nila ang apela nito kaugnay ng pagkansela ng kanyang pasaporte.
Inihain ni Roque sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) ang kanyang motion for reconsideration na kumukuwestiyon sa legalidad ng kanselasyon ng kanyang passport, na ginagamit umano niya sa pagbiyahe sa ibang bansa. Kaugnay ito sa kontrobersiyang nag-uugnay sa kanya sa POGO hub sa Porac, Pampanga matapos mapasama ang kanyang pangalan sa imbestigasyon sa human trafficking.
Ayon kay DOJ Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, handa ang panel na sagutin at kontrahin ang motion for reconsideration na iaakyat ni Roque sa korte. Aniya, maaaring gamitin ni Roque ang lahat ng legal remedies para mabawi ang kanyang pasaporteng kinansela.
Inaalam pa ng DOJ kung natanggap na ng panel ang MR na inihain ng dating opisyal, na itinuturing na kalapit ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nilinaw na rin ng DOJ na bagama’t may karapatang magsumite ng MR si Roque, hindi nito awtomatikong sinuspinde ang bisa ng utos ng korte na ipawalang-bisa ang kanyang pasaporte.
Tumanggi namang magkomento si Fadullon sa pahayag ni Roque na wala umano ang kanyang pangalan sa red notice list ng Interpol matapos hindi ito mailagay ng Pilipinas.
(JULIET PACOT)
92
