TINIYAK kahapon ng Department of Justice (DOJ) na okey pa rin gamitin ang impormasyong makukuha sakaling matukoy ng mga pamilyang umatras sa missing sabungeros case na kamag-anak nila ang mga labi para makatulong sa kaso.
Ayon kay Justice Spokesperson at Assistant Secretary Mico Clavano, naniniwala ang DOJ na kahit umatras sa kaso ang ilang kaanak ng mga biktima, interesado pa rin ang mga ito sa magiging resulta ng DNA test para malaman kung sa kamag-anak nila ang mga bungo at buto na narekober sa Taal Lake.
Sinabi rin ni Clavano na 20 kaanak ng mga nawawalang sabungero ang nakapagbigay na ng DNA samples sa forensic group para matukoy kung tutugma ang mga ito sa mga labi na nahanap sa lawa.
Pero hindi pa tiyak ng DOJ sa ngayon kung nakapagbigay rin ng DNA profile ang mga pamilyang sinasabing kinausap ng kabilang panig para umatras sa kaso.
Giit pa ng DOJ, hindi na itinuturing na pribadong usapin ang kaso ng mga nawawalang sabungero dahil nakataya na rito ang interes ng estado.
(JULIET PACOT)
