DOJ tiniyak ang imbestigasyon CARJACK RING LEADER PATAY SA BILIBID

NELSON S. BADILLA

BINULAGA ang New Bilibid Prison (NBP) ng balitang namatay ang isang high-profile inmate na si Raymond Dominguez.

Si Dominguez ay nakulong sa NBP makaraang hatulan ng korte na guilty sa kasong carnapping noong 2012.

Kinumpirma ng tagapagsalita ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gabriel Chaclag na namatay si Dominguez.

Sabi ni Chaclag, “[Dominguez] was asked to wake up so he could be accounted for, but he wouldn’t answer. So, they opened his small room and they saw him unresponsive and lifeless”.

Opisyal ding inamin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na patay na nga si Dominguez.
Agad inatasan ni Guevarra si BuCor Director Gerald Bantag na gumawa ng opisyal na ulat tungkol sa sinapit ni Dominguez. Pinaiimbestigahan na rin nito ang ulat.

Si Dominguez ay nakapiit sa Maximum Security Compound ng NBP.

Ayon kay Chaclag, si Dominguez ay matagal nang nakararamdam ng iba’t ibang sakit tulad ng hika, hypertension, arthritis at diabetes.

Ngunit, hindi kategorikal na inamin ni Chaclag na isa sa mga sakit na ito ang dahilan ng pagkamatay ng bilanggo, o lahat ng mga nasabing sakit, ang kanyang ikinamatay.

Si Dominguez at kapatid nitong si Roger ay inakusahang kasama sa carnapping syndicate na kumilos sa Bulacan at Metro Manila.

Pinaratangan din silang pumatay kina car salesmen Venson Evangelista at Emerson Lozano noong Enero 2011.
Tahasan nilang itinanggi ang akusasyon.

Nitong nakalipas na 2020, nagpositibo si Raymond sa COVID-19, dahilan upang isailalim siya sa kuwarantina.

Naganap ito ilang linggo makaraang ianunsiyo ng pamunuan ng BuCor noong Hulyo na namatay ang ilang bilanggo sa NBP, kabilang ang siyam na sinasabing sangkot sa bentahan ng methamphetamine hydrochloride o shabu habang nakakulong sa NBP, dahil sa COVID-19.

Sinunog umano ang kani-kanilang mga bangkay upang hindi makahawa sa iba.

Ngunit, ginamit ang pagkakaroon ni Raymond ng COVID-19 ng isang anti-crime group na ihayag sa media na posibleng patay na ito.

Itinanggi ito ng pamunuan ng BuCor.

Tiniyak nilang inilagay lamang nila si Raymond sa quarantine room.

323

Related posts

Leave a Comment