“THE day of reckoning for the Manila Bay Dolomite Beach Project has arrived”.
Idineklara ito ni Bicol Sara party-list Rep. Terry Ridon matapos ihain ang kanyang House Resolution (HR) No. 55 na nag-aatas sa House committee on public accounts at iba pang kaukulang komite na imbestigahan ang proyektong ito ng nakaraang administrasyon.
Ginawa ni Ridon ang resolusyon matapos isisi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Don Artes sa Dolomite Beach ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaha sa Maynila.
Ayon kay Artes, hinaharangan ng Dolomite Beach ang tatlong pangunahing “drainages outfalls sa Faura, Remedios at Estero de San Antonio Abad na naging dahilan para lumala ang pagbaha sa nasabing mga lugar sa tuwing umuulan.
Dahil dito, nagpatawag ng imbestigasyon si Ridon dahil lumalabas na ipinilit lamang ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nasabing proyekto na ginastusan ng P389 milyon dahil hindi ito inaprubahan ng National Economic Development Authority (NEDA).
“To be clear, the dolomite project was never part of the NEDA-approved Manila Bay Rehabilitation Master Plan. This was publicly admitted by the Department of Environment and Natural Resources (DENR) during congressional budget deliberations in 2020,” ani Ridon.
Lumalabas din umano na walang environmental clearance certificate (ECC) at comprehensive environmental assessment na isinagawa bago itinayo ang Dolomite Beach na ipinagmalaki ng Duterte administration lalo na noong panahon ng COVID-19 pandemic.
Tinawag ng mambabatas na “cosmetic project” ang Dolomite Beach para palabasin na nagsasagawa ng rehabilitasyon ang nakaraang administrasyon subalit napatunayan ngayon na pangunahing dahilan ito ng tumitinding pagbaha sa Manila.
(BERNARD TAGUINOD)
