DONAIRE-CASIMERO UNIFICATION SA AGOSTO

HINDI pa man halos nakapagpapahinga, sasabak na naman sa puspusang training si newly-crowned WBC champion Nonito Donaire Jr.

Hindi gaya sa mga nakaraan niyang laban, sa pagkakataong ito ay sasabak si Donaire sa ­kapwa Pinoy at WBO champion John Riel Casimero para sa word bantamweight unification match sa Agosto 14 sa Carson, California.

Mismong ang registered ­manager ni Casimero na si Morris East, dati ring world champion na nakabase ngayon sa Las Vegas, ang nagkumpirma sa nasabing laban, na magaganap isang linggo bago ang Manny Pacquiao vs Errol Spence Jr. fight sa Agosto 21.

Para kay Donaire, mahirap tanggihan ang nasabing unification offer kahit pa nga kapwa niya Pinoy ang kalaban.

Kapapanalo lang ng 38-anyos na si Donaire via 4th round knockout kay Nordine Oubaali para agawin ang WBC belt.

Sa kanyang twitter account, pinasalamatan ni Donaire ang asawa at manager na si Rachel, gayundin si promoter Richard Schaefer ng Ringstar Sports dahil sa aniya’y ‘magic’ na ginawa ng mga ito.

“My team does magic,” ani Donaire, na nagsimula na ng training camp sa Carson, California noong nakaraang linggo.

Dagdag niyang tweet: ‘Belt #2 coming soon.’

Sa panig naman ni Casimero, hiniling niya sa mga kababayang Pinoy na suportahan ang laban nila ni Donaire dahil kapwa nila pangarap na tanghaling ‘undisputed’ champion.

“Suportahan nyo na lang ang desisyon namin. Kasi pareho lang naman ang decision ­naming gustong maging undisputed,” lahad ni Casimero alyas “Quadro Alas” sa kanyang Youtube channel.

Nagkita sina Donaire at Casimero sa ringside ng The Theater ng Virgin Hotels para manood ng Naoya Inoue vs Michael Dasmariñas fight.

Nakaabang naman si Inoue sa winner ng Donaire vs Casimero fight. (VT ROMANO)

133

Related posts

Leave a Comment