NANAWAGAN ng tulong ang mga pasahero ng barko sa pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na bigyan ng pansin ang sobrang pagtaas ng pasahe na ipinatupad ng mga kompanya ng barko sa bansa.
Dumaraing ang mga pasahero na dumaraan sa Batangas Port partikular ang mga patungong lalawigan ng Oriental Mindoro ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Napag-alaman na may mga pasahero na kamuntik na umanong hindi makasakay ng barko dahil sa taas ng pasahe na ipinatupad nang walang abiso sa publiko.
Nabatid na mula P468 ay naging P528 o 12.82% ang itinaas sa pasahe na ipinatupad ng barkong Montenegro habang mula P450 ay umabot sa P530 o 17.77% naman ang barkong Starlite.
Naitala naman sa pinakamataas ang increase sa pasahe ng FastCat na pag-aari umano ng dating naitalagang general manager ng Philippine Ports Authority (PPA) na si Christopher ‘Chet’ Pastrana na mula P420 ay naging P542 o 29.05% na pagtaas sa pamasahe patungo ng Calapan City.
Sa kabila ng hinaing na ito ng mga pasahero ay patuloy umanong nakatikom ang bibig ni DOTr Secretary Jaime Bautista maging si DOTr undersecretary for maritime sector Elmer Sarmiento at Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator Hernani Fabia na may mandato sa nasabing isyu.
“Hindi lang mga pasahero ng tren, dyip at bus ang nahihirapan sa taas-pasahe. Marami rin kaming pasahero ng barko na inaabuso ng mga shipping lines kaya marapat lamang na tulungan din kami ng gobyerno,” hinaing ng isang pasahero na tumangging ilathala ang pangalan.
Pihadong tumaas din ang presyo ng mga paninda dahil kasama sa nasabing taas-pasahe ang mga tinatawag na rolling cargo o yung mga trak kung saan sakay ang mga produktong ibebenta sa mga pamilihan.
Mahigpit ang naging kautusan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ibaba ang gastos sa pagbiyahe ng taumbayan pero sa kabila nito ay hinahayaan lang umano ng DOTr at MARINA na magtaas ng pasahe ang mga barko nang walang pakundangan.
