NABUKO ng mababang kapulungan ng Kongreso ang “double cover-up” at double recycling” attempt umano ng mga pulis na sangkot sa operasyon sa kaso ng inakusahang ninja cop na si Rodolfo Mayo Jr. noong October 8, 2022.
Ito ang dahilan kaya umapela si House committee on dangerous drug chairman Robert Ace Barbers kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na laliman pa ang imbestigasyon sa mga sangkot na pulis.
Ipinaliwanag ng mambabatas na nangyari ang tangkang double cover-up matapos mapurnada ang tangkang pagpapalaya ng mga opisyales ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG) kay Mayo para gamitin ito sa isa pang operasyon sa Pasig City.
“At base na rin sa official report ng PNP-DEG, hindi isinama ng arresting team si Mayo sa inventory ng persons arrested at mga seized drugs sa Tondo. At may spot report pa ang PNP-DEG SOU NCR na kasama nila si Mayo, on same day na naaresto siya, sa isang drug raid sa Pasig City,” ani Barbers.
Sa katunayan, pinaniwala umano ng PDEG officials si Abalos na nahuli si Mayo sa isang hot pursuit operation sa Quezon Bridge sa Quiapo, Manila at pinalabas na nahulihan ito ng 2 kilo ng shabu subalit base aniya sa mga CCTV footage, walang ganitong nangyari.
“At may ginawa pang spot report si P/LCOL Arnulfo Ibanez, OIC chief ng PNP-DEG NCR, na kasama umano nila si Mayo, on same day na nahuli siya sa Tondo, na umaresto kay alleged drug lord Juden Francisco sa Pasig City,” dagdag pa ng mambabatas.
“Ang isa pang sablay sa report ni Ibanez ay di trabaho ng PNP-DEG NCR SOU ang pagse-serve ng warrant. At ang insulto pa rito, based on same report, ay inirerekomenda pa ni Ibanez na bigyan ng Medalya ng Kagalingan si Mayo sa paghuli sa wanted na si Juden Francisco,” pahayag pa ni Barbers.
Tinangka rin aniyang pagtakpan ng mga sangkot na opisyal ang pangungupit nina P/SMS Jerrywin Robosura at P/SMS Lorenzo Catarata ng PDEG Special Operations Unit 4a, ng 42 kilo ng shabu subalit sumablay dahil sa kuha ng CCTV.
“At first, the reports said the bags only contain 30 kilos of shabu purportedly to be paid out to the PNP-DEG SOU 4a “assets”. It turned out the bags contain 42 kilos during an inventory, and if they succeeded to cover it up, Robosura and Catarata would have a “savings” of 12 kilos of shabu,” paliwanag pa ni Barbers.
Sa isyu naman ng double recycling, sinabi ng mambabatas na unang ipinalabas na 2 kilo ng shabu lamang ang nahuli kay Mayo noong October 8, 2022 na ibinebenta nito sa isa pang ahente ng PDEG sa Quiapo, Manila gayung nahulihan na ito ng 990 kilo.
Pangalawang pagtatangka aniya ng recycling ay nang ideklara na 30 kilos ang kinuha ni Robosura at Catarata para pambayad umano sa kanilang asset gayung 42 kilos ang kanilang kinuha sa WPD Lending office ni Mayo.
“Unang-una, hindi kukupit ng 42 kilos si Robusura at Catarata nang hindi alam ng kanilang mga superiors at kasamahan. At kung yung 42 kilos ay hindi idedeklara ng mga ito sa official inventory report, ano sa palagay natin ang gagawin nila. Malamang ire-recycle din nila yan,” ani Barbers. (BERNARD TAGUINOD)
