PUNA ni JOEL O. AMONGO
NANINIWALA si Batangas 1st District Congressman Leandro Leviste na may mas mataas pa na gumagamit kay Department of Public Works and Highways (DPWH) 1st District Engineer Abelardo Calalo kaya nagawa nitong tangkain siyang suhulan kamakailan sa Taal, Batangas.
Bunsod nito, gusto ni Cong. Leviste na maging state witness si Engineer Calalo para ituro nito ang malalaking isda na nasa likod ng maanomalyang flood control projects sa 1st District ng Batangas.
Ayon sa mambabatas, sinabi ni Engineer Calalo na ang ibibigay sanang P3.1 milyong suhol sa kanya ay 3% ng P104 milyong halaga ng flood control projects sa kanyang nasasakupan, na nagmula sa kontraktor, ‘yan ay pauna lamang at may kasunod pa.
‘Pag natanggap daw ni Cong. Leviste ang paunang P3.1 million ay may kasunod pa itong P15 million para naman sa iba pang flood control projects sa 1st District ng Batangas.
Bibigyan din daw si Cong. Leviste ng 5 hanggang 10 porsyentong komisyon mula sa P3.6 bilyong halaga ng flood control projects na matatagpuan sa kanyang nasasakupan, na umaabot ng P180 milyon hanggang P360 milyon.
Kaya hindi nakapagtataka kung bakit nagkakandarapa, handang pumatay at magpakamatay ang mga kandidato para lang manalo sila sa eleksyon dahil sa laki ng halaga ng kanilang kikitain sa mga proyekto kapag nakaupo na sila.
Si Cong. Leviste, dahil baguhan pa lamang na kongresista, ay nagtaka siya kung bakit inalok siya agad ng ganoong kalaking pera ni Engr. Calalo.
Kaya noong Agosto 22, 2025 ay tumawag siya ng mga pulis mula sa Taal, Batangas para ipahuli si Engr. Calalo, na naaresto habang dala ang cloth bag na naglalaman ng P3.1 milyon na ibibigay sana sa mambabatas.
Kahapon, nagtungo si Cong. Leviste sa Office of the Prosecutor ng Batangas at sinampahan ng kaukulang mga kaso si Engr. Calalo na nakakulong ngayon sa Taal Police Station.
Inamin ni Leviste na minsan ay na-meet na niya si Engr. Calalo sa ilang pagtitipon, at naaawa siya rito subalit kailangan aniyang may managot sa katiwalian sa flood control projects.
Nais ni Cong. Leviste na gawing state witness si Engr. Calalo para ituro nito ang mas mataas sa kanya na nag-utos para siya ay suhulan.
Matagal nang pinaputok ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez ang anomalya sa 5,500 flood control projects na pinaglaanan ng bilyun-bilyong pisong pondo ng gobyerno.
Sa sunod-sunod na mga pagbaha na dulot ng masamang panahon na dumating sa bansa ay walang silbi at hindi nakita ang ipinagmalalaki ng BBM administration na 5,500 flood control projects na binanggit pa mismo nito sa kanyang naunang State of Nation Address (SONA).
Sa pinakahuling SONA ni PBBM noong July 2025 ay inamin niya ang katiwalian sa flood control projects na uminit na hanggang ngayon.
Lumantad na ang katotohanan sa sinabi ni Atty. Rodriguez na anomalya sa flood control projects na kinasasangkutan ng mga mambabatas, mga opisyals ng Commission on Audit, DPWH at mga kontratista.
Ginawang palabigasan ng mga ito ang flood control projects dahil nakalulusot sila sa pananagutan.
Sa isinagawang Blue Ribbon Committee Hearing sa Senado sa pamumuno ni Senator Rodante Marcoleta, lumabas kung paano pinagkakakitaan ng mga taong ito ang nasabing mga proyekto.
Pinakamalaki na kumukuha ng kickback sa flood control projects ay ang politicians na may 30% at ang natitira ay pinaghati-hatian ng mga opisyal ng COA, DPWH engineers, Bid and Awards Committee at mga kontratista, kaya ang nawawala sa kabuuang pondo ay 74%, kaya naman ang natitira para gamitin sa implementasyon ng proyekto ay nasa 26% na lamang ng budget nito.
Kaya hayun giba-giba ang flood control projects sa tuwing nagkakaroon ng pagbaha dahil tinipid ang pagkagawa nito dahil sa malaking nababawas mula sa pondo ng proyekto.
Kamakailan, ipinanukala ni Zamboanga City 1st District Representative Khymer Adan Olaso sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na gawing “firing squad” ang parusa sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Ipapataw ito sa mga opisyal na hinatulan ng Sandiganbayan para sa graft and corruption, malversation of public funds, at plunder. Papasa kaya ito sa Kamara na may mga kongresista ngayon na nadadawit sa flood control projects?
Saan kaya pupulutin ang Pilipinas sa susunod na mga taon sa epekto ng mga katiwaliang ito? Imbes na mabawasan ay lalo pang lumala.
Hindi na tayo nadala sa ginawa ni Janet Napoles na napakaraming pera rin ang nakuha mula sa taumbayan. Panahon na para may gumulong sa ulo ng mga taong nasasangkot sa katiwalian.
oOo
Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
