LUNGSOD NG MALOLOS – Nagsagawa ng consultative meeting sa pagitan ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan kung saan nangako ang huli na makikipag-ugnayan na sa LGU sa mga proyekto na ipatutupad sa kanilang nasasakupan.
“Lahat ng koordinasyon na kailangan ng district papunta sa LGU ay gagawin na po natin. Rest assured na ang mga proyekto po na for 2026 ay ipi-present na po namin para sa information ng lahat. Sa mga pre-construction meeting po, pwede na po natin i-onboard ang LGU, at least alam ng LGU kung ano ang mga project na i-implement sa kanila,” ani Jayson S. Jauco, OIC-District Engineer ng DPWH 1st Bulacan District Engineering Office.
Ito ay matapos na kuwestiyunin ni Fernando ang DPWH sa kakulangan ng koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, na nagresulta sa implikasyon ng mga lokal na opisyal sa mabigat na pinupuna at problematikong flood-control projects sa lalawigan.
“We are trending for the wrong reasons. Nadungisan ang marangal at dakilang pangalan ng ating lalawigan. Nabura ang mga parangal na natatanggap ng provincial at local governments dahil sa problemang iyan. We need na maibalik ang tiwala ng taumbayan. Kailangan nating maibangon ang sistema ng pag-go-gobyerno,” anang gobernador.
Pinasagot din ni Fernando ang DPWH sa hindi nito pagsusumite ng flood control at drainage master plan para sa lalawigan, na nakapaloob sa Executive Order No. 22, series of 2023 o “An Order Creating an Ad Hoc Committee in the Provincial Development Council to Study and Recommend Actions Relative to Flooding and Drainage Concerns in the Province”.
Ayon kay Jauco, personal siyang naniniwala sa kahalagahan ng isang integrated masterplan na sasagot sa problema sa pagbaha sa lalawigan, at sinabi na hihingi siya ng tulong sa kanilang regional office para mapag-aralan at maliwanagan ito.
Upang makatulong dito, sinabi ng gobernador na makikipag-ugnayan siya sa tanggapan ni House Speaker Faustino Dy III hinggil sa isang panukalang batas para sa isang pambansang master plan para sa Pilipinas. Hinikayat din niya ang mga punong bayan at lungsod na maghanda ng kanilang localized na plano na pagsasama-samahin para sa buong lalawigan.
Samantala, binanggit ng Puno ng Bulacan Environment and Natural Resources Office na si Abgd. Julius Victor Degala ang pangangailangan ng lalawigan para sa limang weigh bridges na ilalagay sa mga pangunahing lokasyon kabilang ang San Miguel, San Rafael, Guiguinto, Bocaue, at Calumpit, upang mas maipatupad ang anti-overloading at anti-excessive volume ordinance sa lalawigan na nakaaapekto sa sitwasyon ng mga kalsada sa lalawigan.
Sinabi rin ni Fernando na hindi niya papayagan ang kahilingan ng San Miguel Truckers Association na dagdagan ang allowable volume of load hanggang 35 cubic meters.
Dagdag pa rito, iniulat ng Puno ng Provincial Engineer’s Office na si Inh. Glenn Reyes, na sa 572 barangay sa lalawigan, 393 o 68.71% ang may kahilingan ng road repair simula 2019-2025; iprinisenta rin niya sa mga opisyal ng DPWH ang mga bahagi ng McArthur at Maharlika Highways na nangangailangan ng pagsasaayos.
Sa kabilang banda, kasunod ng pahayag mula sa isang dating opisyal ng DPWH na lahat ng proyektong pang-imprastraktura sa lalawigan ay substandard, siniguro ni DPWH-Bulacan 2nd DEO District Engineer George DC. Santos sa mga lokal na opisyal na lahat ng proyekto ng kanilang tanggapan ay sumusunod sa mga pamantayan.
Para naman sa mga proyekto ng 1st DEO, sinabi ni Jauco na magsisilbing third party ang kanilang regional office sa pagsasagawa ng technical inspection sa pamamagitan ng non-destructive tests, upang suriin ang integridad ng mga imprastraktura, lalo na ang mga gusali ng paaralan.
Sa huli, inanunsyo ng gobernador na maglalabas siya ng executive order para sa pagbuo ng Provincial Infrastructure Coordinating Committee na binubuo ng mga opisyal ng lalawigan, munisipyo, siyudad, at barangay, mga DPWH DEO sa lalawigan, at non-government at civil society organizations.
(ELOISA SILVERIO)
32
