NAGBITIW bilang Executive Vice President ng University of the Philippines (UP) System si Dr. Teodoro Herbosa Jr.
Agad namang tinanggap ni UP President Danilo Concepcion ang resignation ni Herbosa, bagaman aminadong nanghihinayang siya sa naging dedikasyon ng huli.
“(Herbosa) has tendered his resignation as Executive Vice President of the University of the Philippines System, effectively immediately, due to “personal reasons”,” ayon sa anunsyo ng unibersidad.
“In your service as Executive Vice President, you have shown how vital this position can be to the governance of the University,” ani Concepcion.
Bago ito, inulan ng batikos si Herbosa matapos punahin ang mga itinayong community pantry sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nagsilbing Executive Vice President ng UP si Herbosa simula noong 2017.
Kasalukuyan siyang special adviser ng National Task Force against COVID-19.
Samantala, umaasa si ACT party-list Rep. France Castro na gagayahin ng mga opisyal ng gobyerno si Dr. Herbosa na magre-resign sa puwesto kapag nakasakit ang mga ito ng damdamin ng mga tao.
Ayon kay Castro, magandang ehemplo ang ginawa ni Herbosa na mag-resign na lamang sa puwesto imbes na makipagbangayan sa publiko at dapat umanong gayahin ito ng mga naninira sa community pantry. (BERNARD TAGUINOD)
