QUEZON – Walang buhay na tumimbuwang ang isang driver matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek habang ipinaparada ang isang sasakyan sa Brgy. Gibanga, sa bayan ng Sariaya noong Martes ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Mario Pantoja, 50, residente ng nabanggit na barangay.
Ayon sa imbestigasyon ng Sariaya Police, bandang alas-3:50 ng hapon nang pagbabarilin ito ng isang hindi nakilalang suspek habang
ipinaparada ang barangay patrol vehicle sa harap ng bahay ng kanilang kapitan ng barangay na si Brgy. Captain Reynoso.
Nalagutan ng hininga ang biktima dahil sa mga tama ng bala sa kanyang katawan.
Agad ding tumakas ang suspek patungo sa hindi malamang direksyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng Sariaya MPS upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa krimen. (NILOU DEL CARMEN)
