CAVITE – Tinatayang mahigit sa P80,000 halaga ng umano’y shabu at isang .38 kalibreng baril ang nasamsam mula sa isang lalaking nadakip sa ikinasang buy-bust operation sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito, noong Linggo ng umaga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearm and Ammunition Regulation Act) ang suspek na si Manuel Tanoy y Casaljay, nasa hustong edad, ng Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite.
Ayon sa ulat, dakong alas-8:45 ng umaga, nagsagawa ng buy-bust operation ang Tanza Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Bagtas ng naturang bayan na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at nakumpiska
ang tinatayang 12.14 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P82,552, buy-bust money, isang cellphone, isang Smith and Wesson Springfield na .38 kalibreng baril at limang bala.
Ang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa Tanza Custodial Facility.
(SIGFRED ADSUARA)
