BAGAMA’T suntok sa buwan, inihain ng mga militanteng mambabatas sa Kamara ang panukalang batas para bigyan umano ng tig-P10,000 ayuda ang mga estudyante sa bansa.
Sa House Bill (HB) 9494 o “Emergency Student Aid and Relief Law” na inakda ng mga militanteng mambabatas sa pangunguna ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago, nais ng mga ito na bigyan ng tig-P1,000 ang bawat estudyante kada buwan sa loob ng 10 buwan.
Hindi sinabi sa panukala kung ilang milyon ang populasyon ng mga estudyante sa bansa subalit sa kasalukuyan, hindi bababa sa 23 million ang nag-enroll sa basic education, hindi pa kasama rito ang mga nasa tertiary level.
Nais din ng nasabing grupo na maging ang mga tumigil sa pag-aaral o dropouts ay bigyan ng ayuda upang makabalik ang mga ito sa pag-aaral.
“In this bill, it seeks to institutionalize an emergency student aid and relief system during times of national emergency or crisis to assist Filipino students and youth in their expenses related to alternative modes of learning, including tuition, other school fees, gadgets and internet connectivity, among others,” ayon sa panukala.
Subalit ayon sa mga political observer sa Kamara, suntok sa buwan ang panukala dahil posibleng ibaon pa nito nang husto ang bansa sa utang dahil hindi birong pondo ang kailangan dito.
“Yung P10K per family nga hirap na, yan pa na 27 million ang estudyante?”ayon sa isang mambabatas na hindi na nagpakilala. Naniniwala umano ito na ilalagay lang sa archive ang nasabing panukala.
Kung bibigyan aniya ng tig-P10,000 ang 27M kabataan kasama na ang mga dropout, mangangailangan ang gobyerno ng P270 billion na imposible umanong mapondohan.
Sa ilalim ng Bayanihan 1, umaabot lamang sa 18 million pamilya ang binigyan ng ayuda kung saan mahigit P200 billion ang inilaang pondo at P5,000 hanggang P8,000 ang ibinigay sa mga ito. (BERNARD TAGUINOD)
153
