DRUG DEN NABUWAG NG ZAMBALES PPO

MALINAW ang kampanya ni bagong talagang PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar, ang magkaroon ng clean governance. Tumalima rito si PNP Zambales Provincial Director, P/Col. Romano V. Cardiño sa pamamagitan ng pag-arestado sa limang drug personalities.

Noong Linggo, Mayo 16, dakong alas-12:35 ng madaling araw, sa Purok 3C, Sitio Tahimik, Brgy. Calapacuan, Subic, Zambales, nadakip ng mga tauhan ni Cardiño ang mga suspek na sina Benjamin Cruz y Monteverde, drug maintainer; Elmer Bais y Villanueva, make-up artist; Rex Soriano y Bagorio, mangingisda; Emmanuel Reyes y Guevarra, jobless, at Marvin Toralba y Mañago, jobless.

Nadakip ang mga suspek ng pinagsanib na mga tauhan ng PNP Zambales Provincial Intelligence Unit, Zambales Philippine Drug Enforcement Agency (ZPDEA) at SDEU Subic MPS, sa pamumuno ni P/Lt. Nino Ryan R. Opingan.

Nauna rito, sa pamamagitan ng social media, kumalap ng mga impormasyon ang mga awtoridad para matunton ang mga suspek.

Makaraang makumpirmang sangkot ang mga suspek sa drug trafficking, nagkasa ang mga awtoridad ng buy-bust operation sa koordinasyon ng PDEA.

Ayon sa intelligence reports, ang mga suspek ay mga miyembro ng iba’t ibang notoryus na drug groups na nag-o-operate sa Zambales area.

Sa isinagawang buy-bust operation, nakabili ang poseur-buyer ng isang sachet ng umano’y shabu mula sa suspek na si Benjamin Cruz.

Kasunod nito, nagtungo ang mga operatiba sa bahay ng suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa apat na iba pang mga suspek na naaktuhan habang bumabatak ng umano’y shabu.

Kabilang sa mga nakumpiska sa mga suspek ang isang sachet ng umano’y shabu (buy-bust item); P500 bill, pito pang sachet ng shabu at ilang drug paraphernalia.

Ang lahat ng nakumpiskang shabu ay umabot sa 15 gramo na tinatayang P105,000 ang street value.

“I hope this case will sends a strong signal to drug personalities that we mean business in our campaign against illegal drugs. This undertaking is not a walk in the park since we are up against armed men and there is a bigger picture behind drug cases. The police force cannot do this alone, we need the cooperation of the community,” pahayag ni Col. Cardiño.

Ang mga suspek na pansamantalang nakapiit sa Subic MPS Lock-up cell ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL)

126

Related posts

Leave a Comment