DRUG GROUP MEMBER NASUKOL

NADAKIP sa inilatag na anti-narcotics operation ng mga tauhan ng PNP Police Regional Office 5, na pinamumunuan ni P/Brig. Gen. Jonnel C. Estomo, ang isa sa umano’y miyembro ng notoryus na Rey Gutierrez drug group noong Martes ng umaga sa Daet, Camarines Norte.

Kinilala ang suspek na si Christopher Vargas y De Guzman, 37, may asawa, isang lineman, at residente ng Purok 6, Brgy. Borabod, Daet, Camarines Norte, nadakip makaraang bentahan ng umano’y shabu ang isang poseur buyer ng pulisya.

Ayon kay P/Major Malu Calubaquib, Regional spokesman, bandang alas-8:30 ng umaga, inilunsad ang buy-bust operation ng Camarines Norte Provincial Intelligence Unit at Daet MPS, 1st at 2nd CN Police Mobile Force Company laban sa suspek sa Calle Sexy, Purok 4, Barangay V, Daet ng naturang probinsya.

Nakumpiska sa suspek ang tinatayang 3 gramo ng shabu na nakalagay sa 10 sachet, na tinatayang P5,000 ang halaga.

Ayon sa datos mula sa Camarines Norte Police Provincial Office, si Vargas ay nasa listahan ng Provincial Recalibrated Database on Illegal Drugs.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng Daet MPS ang suspek na sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

“Kasama ang buong hanay ng PNP Bicol, ating mas pinaigting ang kampanya kontra ilegal na droga alinsunod sa ipinatutupad na Intensified Cleanliness Policy (ICP) in the Community na naglalayong ilayo at pigilan ang paglaganap ng kriminalidad sa ating nasyon.

Pantay-pantay na pinagtutuunan ng pansin ng kapulisan sa rehiyon ang iba’t ibang inisyatibo nito upang maisakatuparan ang isang tahimik na pamayanan. Kaya naman tinitiyak namin sa inyo na mas palalawigin pa namin ang pagbabantay upang madakip at managot sa batas ang mga may nagawang katiwalian,” ayon kay P/BGen. Estomo. (JESSE KABEL)

145

Related posts

Leave a Comment