CAVITE – Tinatayang mahigit P70 milyong halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska sa hinininalang drug supplier sa Luzon at Mindanao, sa ikinasang buy-bust operation sa Dasmariñas City noong Lunes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang arestado na si Michael Lucas, alyas “Boy Muslim,” 35, ng Moab St., Town and Country Homes Subdivision, Brgy Burol 1, Dasmariñas City.
Ayon sa ulat ng Dasmariñas City Police, dakong alas-10:00 ng gabi noong Lunes nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga elemento ng PNP Drug Enforcement Group (DEG) at Dasmariñas CPS sa Block 25, Lot 12, Moab St., Town and Country Homes Subd., Brgy. Burol 1, Dasmariñas City na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Boy Muslim” at nakumpiskahan ng 10 kilo ng shabu na tinatayang P70 milyon ang halaga.
Ayon sa impormasyon, si alyas “Boy Muslim” ay miyembro ng isang sindikato sa droga na nagsusuplay sa Region 3, National Capital Region, Mindanao at malalapit na probinsiya kung saan tinatayang 10 hanggang 15 kilo ng shabu ang kanyang ibinabagsak sa nabanggit na mga lugar.
Sinasabing kinukuha ni “Boy Muslim” ang mga suplay ng droga sa isang Chinese national na nakadetine sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City at idini-deliver sa kanya ng isa pang kasamahan ng Chinese national.
Samantala, mahigit kalahating milyong piso naman ang nasamsam sa dalawang babaeng umano’y tulak na kinilalang sina Mila Acebuche, 51, isang manikurista, at Mercy Sabolao, 57, isang balo, ng Camarin, Caloocan City.
Sina Acebuche at Sabolao ay nadakip sa isinagawang buy-bust operation ng mga elemento ng Bacoor DEG at PDEAS sa Molino Boulevard, Brgy. Talaba IV, Bacoor City dakong alas-2:00 noong Lunes ng hapon.
Nakuha sa mga ito ang tinatayang 100 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P680,000, buy-bust money at cellphone. (SIGFRED ADSUARA)
265
