TINIYAK ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na 24/7 ang kanilang relief operations para sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 6.9 lindol sa Cebu noong Setyembre 30.
Ayon kay Asst. Sec. Irene Dumlao, tagapagsalita ng DSWD, naka-full force ang mga “Angels in Red Vests” ng Field Office 7 sa pagbibigay ng maiinit na pagkain mula sa mobile kitchen at malinis na inumin gamit ang water tanker at filtration truck sa Bogo City.
Naka-istasyon din ang mobile command center sa lugar upang mapabilis ang komunikasyon at pagtugon, lalo’t limitado pa rin ang suplay ng kuryente.
Hanggang alas-6:00 ng umaga, nakapaglabas na ang DSWD ng ₱12.6 milyon halaga ng ayuda, kabilang ang 14,100 family food packs at 2,000 ready-to-eat food boxes, pati na rin family kits at modular tents.
Dagdag ni Dumlao, tugon ito sa bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng mas maraming tents dahil marami pa ring pamilya ang mas pinipiling matulog sa labas sa takot sa aftershocks at pagbagsak ng mga gusali.
Tiniyak ng DSWD na patuloy na nakikipag-ugnayan ang lokal at nasyonal na pamahalaan para tiyaking may proteksyon laban sa ulan at matinding init ang mga lumikas na residente.
(PAOLO SANTOS)
