IKINAIRITA sa Kamara ang tila paghuhugas-kamay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mabagal na distribusyon ng Social Amelioration fund sa mga mamamayan na apektado ng enhanced community quarantine.
Ayon sa Makabayan bloc sa Kamara, hindi katanggap-tanggap na isisi lamang ng DSWD sa mga Local Government Unit (LGU) at maging sa beneficiaries kung bakit umaabot sa 7.7 milyong pamilya pa ang hindi nakakatanggap ng SAP.
Ginawa ng nasabing grupo ang pahayag matapos lumabas sa ika-6 na report ng Malacañang na umaabot pa lamang sa 11.4 milyong pamilya ang nabigyan ng SAP sa nakaraang anim na linggo.
Kabilang sa mga hindi umano nabigyan ng ayuda sa nakaraang 6 na linggo ay ang 593,900 miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps gayung hawak na ng ahensyang ito ang pondo.
“The government’s social amelioration program has failed to provide urgent and timely economic relief to Filipino families amid the pandemic,” ayon pa sa nasabing grupo.
Pinakamarami umano sa mga hindi pa nakatatanggap ng SAP ay mga residente sa Metro Manila dahil sa 1.5 million pamilya na target na ayudahan ay 310,000 pa lamang ang nakatanggap ng SAP kaya umaabot pa sa 1.2 Million ang patuloy na naghihintay ng ayuda. BERNARD TAGUINOD
221
