DUMAMI BAHAY NI HIDILYN, 3 PANG OLYMPIC MEDALISTS

KUNG dati’y hirap makapagpundar ng bahay, ngayon ay biglang dumami ang bahay ng apat na Pilipinong medalists sa 2020+1Tokyo Olympics.

Ang apat ay sina first Olympics gold medalist Hidilyn Diaz, silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam, at bronze medalist Eumir Felix Marcial.

Bilang pagtupad sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte, bibigyan ng sariling bahay sa kanya-kanyang probinsya, sa tulong ng National Housing ­Authority, ang mga bagong bayani ng bansa.

Sa tulong nina Philippine Sports Commission Chairman Butch Ramirez at NHA General Manager Marcelino P. Escalada Jr., agad ipagkakaloob sa apat ang kanya-kanyang fully furnished, 2-storey houses.

Nakatakdang i-turnover ang housing units sa ­magkababayang sina Diaz at Marcial sa Setyembre 2 sa Zamboanga.

Samantala, wala pang petsa kung kailan mai-turnover ang kina Petecio at Paalam, na ­kapwa naman taga-Davao.

Maliban sa NHA housing sa kanya-kanyang probinsiya, pinagkalooban din ang apat ng house & lot sa Tagaytay ng ­Philippine Olympic Committee.

Mayroon din mula sa isang pribadong developer ang nagkaloob naman ng condo unit kay Diaz bilang kauna-unahang Pilipinong Olympic gold medalist.

“This good fortune and success of the national athletes could “inspire a child somewhere to take up sports and one day take their turn in bringing pride to the Philippines,” mensahe ni Ramirez sa iba pang atleta at mga kabataang nangangarap maging future Diaz, Petecio, Paalam at Marcial. (ANN ENCARNACION)

150

Related posts

Leave a Comment