DUQUE KINALAMPAG SA ESTADO NG BENEPISYO NG HEALTH WORKERS

HINIMOK ni Senador Sonny Angara si Health Secretary Francisco Duque III na maglabas ng update hinggil sa pamamahagi ng benepisyo sa health workers sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o ang Bayanihan 2.

Sa kanyang sulat noong March 12, hiniling ni Angara, bilang chairman ng Senate Committee on Finance at sponsor ng Bayanihan 2 kay Duque na isumite ang update ng status ng mga benepisyo ng mga health care worker kasunod ng ulat na mayroon pa ring hindi nakatatanggap ng benepisyo.

Ito ay makaraang ilang health workers mula sa National Kidney and Transplant Institute ang nagsagawa ng noise barrage sa labas ng pagamutan dahil hindi pa rin naibibigay ang kanilang meals, transportation at accommodation allowances sa ilalim ng Bayanihan 2.

Hinihiling ng mga health worker mula sa NKTI ang agarang paglalabas ng P82 million budget sa kanilang allowances para sa September 1 hanggang December 31, 2020.

Sa kanyang sulat kay Duque, binigyang-diin ni Angara na sa ilalim ng Bayanihan 2 mayroong COVID-19 special risk allowance para sa lahat ng public at private health workers na direktang nag-aasikaso sa COVID-19 patients kada buwan.

Ipinaalala rin ni Angara ang kompensasyon para sa public at private health workers na tinamaan ng COVID-19 sa kanilang pagtatrabaho.

Mayroon ding probisyon para sa life insurance, accommodation, transportation at meals sa lahat ng public at private health workers sa panahon ng state of national emergency.

Sa ilalim ng Bayanihan 2, kabuuang P13.5 billion ang inilaan para sa mga benepisyo at continuous employment at hiring ng emergency human resource for health. (DANG SAMSON-GARCIA)

98

Related posts

Leave a Comment