MULING kinastigo ni Senate President Vicente Sotto III si Health Secretary Francisco Duque sa pagpapalabas ng maling impormasyon hinggil sa bilang ng pasyenteng tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na natuklasan ng UP Resilience Institute kamakailan.
Sa panayam, sinabi ni Sotto, naunang nagpasa ng resolusyon na nanawagan sa pagbibitiw ni Duque, na masyadong malaki ang epekto ng maling data na natuklasan ng UP Resilience Institute, sa magiging desisyon ng pamahalaan laban sa COVID-19.
“Masyadong significant. As a matter of fact, meron pang, kung hindi ako nagkakamali, there were 516 cases wherein resident’s data were classified, reclassified, so alam mo kung meron kang issue on contact tracing doon sa mga yun, 516 yun, aba eh multiplied by what ang effect di ba? Kung mali-mali yung residence, so narinig ko rin yung sagot ng DOH kanina, ng Secretary of Health, sabi niya, it’s a very small percentage daw ng over-all stats nila,” ayon kay Sotto.
Ngunit, tinabla ni Sotto ang pahayag ni Duque dahil malaki ang magiging implikasyon ng anomang pagkakamali sa desisyon ng gobyerno, kaya’t nararapat na maging sigurista sa datos.
Aniya, maliit man o malaki ang pagkakamali, mali pa rin sa tingin ng lahat kaya dapat mag-ingat sa pangangalap at pag-aanalisa ng datos na nakukuha sa lugar na apektado ng COVID-19.
Malaki aniya ang epekto ng maling data sa bilang ng pasyente sa akma at tumpak na desisyon ng pamahalaan laban sa pandemya. ESTONG REYES
