DUTERTE ADMIN KULANG SA KAALAMAN SA PAGTULONG

PINATUNAYAN ng Duterte administration na kulang ang mga ito sa kaalaman kung papaano saklolohan ang mga tao at sektor ng lipunan na apektado sa pandemya sa COVID-19.

Ito ang paglalarawan ni Albay Rep. Edcel Lagman sa gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos mabigo ang mga ito na gastusin ang inilaang pondo sa Bayanihan 2 para tulungan ang mga tao na makaahon sa pandemya.

“Paucity in appropriation is aggravated by ineptness in fund utilization for the pandemic response,” ani Lagman matapos mapaso ang Republic Act (RA) No. 11494 o Bayanihan to Recover as One Act.

Kahapon, Hunyo 30, tuluyan nang napaso ang nasabing batas, na tinatayang P18.4 billion ang hindi nagastos gayung inilaan ito para maka-recover ang mamamayang Filipino sa pandemya.

“This is a serious indictment of the failure of the Duterte administration to rescue Filipinos from health complications and bail out the economy consequent to the onslaught of COVID-19,” ayon sa mambabatas.

Unang pinalawig ang nasabing batas sa pamamagitan ng RA 11519 matapos mabigo ang gobyerno na gastusin ang pondo sa loob ng tatlong buwan o mula Setyembre hanggang Disyembre subalit hindi pa rin ginamit ang lahat ng pera sa 6 buwang ekstensyon o mula sa Enero 2021 hanggang Hunyo 30, 2021.

Kabilang sa programang hindi ginastusan ay ang lab testing at pagkuha ng karagdagang health care workers na nagkakahalaga ng P6.6 billion at P873 million para sa karagdagang contract tracers.

Halos hindi rin nagalaw ang P5 billion na inibigay sa Department of Transportation (DOTr) para tulungan ang commuters at sektor ng transportasyon lalo na ang mga driver na labis na naapektuhan sa pandemya.

Dahil dito, hindi naniniwala si Lagman na makaka-recover agad ang Pilipinas sa pandemya dahil sa kabila ng pondong ibinibigay sa mga ito ay ayaw nilang gastusin para tulungan ang mga tao at maging ang ekonomiya ng bansa. (BERNARD TAGUINOD)

190

Related posts

Leave a Comment