DPA ni BERNARD TAGUINOD
MAGKAKAROON ng tatlong paksyon sa Senado sa 20th Congress dahil bukod sa oposisyon at pro-administration senators ay may tinatawag na Duterte Bloc kaya kung ikaw ang Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) secretary ay tatlong grupo ang kakausapin mo kapag kulang ang botong kailangan mo para maipasa ang priority bills ng Malacañang.
Hindi tulad dati na majority at minority lang ang kakausapin at kung may sapat na bilang naman ang majority bloc ay hindi na kailangang magmakaawa sa minority bloc lalo na kung dadalawa lang sila.
Pero ang pinakababantayang grupo sa Senado ay ang Duterte bloc na kinabibilangan nina Sens. Bong Go, Bato dela Rosa, Robin Padilla, Imee Marcos at Senator-elect Rodante Marcoleta na kahit anong gawin mo sa kanila ay hindi nila iiwanan ang pamilyang Duterte.
Ang laki ng utang na loob ng limang ito sa pamilyang Duterte kaya sila naging senador kaya hindi mo na mababago ang kanilang pagiging loyalist sa political family na ito mula sa lungsod ng Davao.
Unahin natin si Bong Go. Nakilala lamang siya sa buong bansa noong maging pangulo ang kanyang amo noong 2016 at sumikat dahil sa kanyang mga selfie kasama ang pangulo at foreign leaders.
Kung wala ang mga Duterte, hindi siya nagkaroon ng pangalan sa buong bansa kahit matunog ang kanyang pangalan sa Davao City bilang assistant ni Digong, kaya malaki ang kanyang utang na loob sa dating Pangulo.
Ganyan din ang kaso ni Dela Rosa na nagkaroon ng pangalan nang italaga siya ni Digong bilang una niyang PNP chief kahit siya ay one-star general pa lamang at aminin man niya o hindi, nagamit niya ang kanyang posisyon para maging senador noong 2019.
Mismong si Robin ay nagsabi na kahit sunugin siya, mangangamoy Rodrigo Roa Duterte pa rin siya kasi kung hindi dahil kay Digong, hindi siya nabigyan ng absolute pardon.
Dahil kay Digong, naibalik ang kanyang karapatan na makaboto at tumakbo sa anomang posisyon sa gobyerno na nawala sa kanya noong makulong siya siya sa Bilibid, kaya tatanawin niya ‘yan bilang napakalaking utang na loob sa pamilyang Duterte habang siya ay nabubuhay.
Si Imee, hindi mananalo noong nakaraang eleksyon kung hindi dahil kay Vice President Sara Duterte, kaya huwag na kayong umasa na magbabago ang desisyon niya sa impeachment trial kahit malakas ang ebidensya laban sa taong nagsalba sa kanyang mukha at political career.
Si Marcoleta naman, ang laki ng tulong ng pamilyang Duterte para matupad ang kanyang ambisyon na maging senador, kaya huwag na tayong umasa na babaliktad siya pinagkautangan niya ng napakalaking utang na loob.
Ang problema lang, dapat ang mga senador ay magsilbi sa taumbayan at hindi sa isang pamilya na pinagkautangan nila ng loob. Sabi nga dating Pangulong Manuel L. Quezon… “My loyalty to my party ends when my loyalty to my country begins”.
Dapat ang Duterte bloc, lalo na si Padilla, ay magsabi balang araw na “My loyalty to Duterte family ends when my loyalty to my country begins” at kapag nangyari iyan, baka matupad ang pangarap ng mga amuyong sa paligid na magiging bise presidente siya (ugh).
