KINUWESTYON ni Senador Risa Hontiveros ang sinasabing midnight deal ng administrasyong Duterte at Department of Energy (DOE) sa pagbebenta ng Malampaya share sa Udenna Corporation na pag-aari ni Dennis Uy na pawang magkakaalyado.
Sa virtual press conference, sinabi ni Hontiveros na tila mabilisan ang pagbebenta ng administrasyon sa mahahalagang ari-arian ng pamahalaan partikular ang energy resources at ilang public services sa “mystery shoppers” bago magtapos ang 2022.
Kinuwestiyon ni Hontiveros ang Department of Energy kung bakit pinayagan ng ahensiya na mabili ng Udenna ang majority shares ng Malampaya matapos hindi iginiit ng Philippine National Oil Company ang “right of first refusal” nito.
“[Energy Secretary Alfonso] Cusi, ito lang naman po: Ibinebenta na ba natin ang Pilipinas sa Tsina? Por kilo na ba ang bentahan ng ating mga strategic assets? Mula sa rollout ng Dito telecoms, tapos ang [Commission on Elections] deal, at ngayon naman, dito mismo, sa Malampaya at sa Recto Bank kung saan nabigyan din ng DOE ang Udenna ng service contracts,” ayon kay Hontiveros.
“Ang gusto natin, syempre, masang Pilipino ang makikinabang sa kita ng mga resources na iyan. Pero may midnight sale yata ng likas yaman at iba pang serbisyo bago mag 2022, na hindi natin alam. Sino kaya si mystery shopper?” tanong niya.
Dahil dito, hiniling ni Hontiveros sa kasamahan na imbestigahan ang pagbili ng Udenna sa sapi ng Malampaya project sa lalong madaling panahon.
Noong Nobyembre, inihain ni Hontiveros ang resolusyon na naglalayong paimbestigahan ang awtoridad ng Udenna Corporation sa pagkontrol ng estratehikong fossil energy assets ng bansa West Philippine Sea. (ESTONG REYES)
