HINAMON ng militanteng mambabatas si Pangulong Rodrigo Duterte na maging uliran at modelo sa “mega investigation” na inutos nito sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga katiwalian sa gobyerno.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, mabibigo ang misyon ng mega investigation ng DOJ laban sa katiwalian sa pamahalaan kung mismong si Duterte ay hindi isinasapubliko ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN).
“Habang sinasabi niya [Duterte] na labanan ang corruption dapat siya ang magsilbing uliran o yung model,” ani Gaite kaya dapat isapubliko aniya ng pangulo ang kanyang SALN.
Dalawang taon nang hindi isinisiwalat ni Duterte ang kanyang SALN kaya dapat aniyang ipakita nito sa lahat ng mga corrupt sa gobyerno na seryoso siya sa kanyang laban sa huling dalawang taon nito sa poder.
“Etong laban niya [Duterte] sa corruption, magtatayo ng mega task force, again we see this…will fail,” ayon pa sa mambabatas.
Ipinaliwanag ng mambabatas na mahalaga ang SALN para malaman kung may ill-gotten wealth ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno subalit hangga’t itinatago ito ay hindi mahuhuli ang mga corrupt sa pamahalaan.
Muli namang umapela si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kay Ombudsman Samuel Martirez na ikonsidera ang kanyang desisyon na pigilan ang pagpapalabas ng SALN ng mga empleyado at opisyales ng gobyerno.
“Dapat ilabas ng Office of the Ombudsman ang SALN ng lahat para magkaalaman na,” ani Brosas.
Magugunita na ipinatigil ni Martires ang paglalabas ng SALN dahil hindi umano ito nagagamit para makahuli ng corrupt officials, bagkus ay ginagamit lamang ito ng mga kalaban ng mga empleyado at opisyales ng gobyerno para sila ay siraan.
“Saan ba gagamitin itong SALN kundi para siraan ang isang kawani o isang opisyal ng pamahalaan. Yun lang po ang aming puntos dito eh. Saan? Kasi kung maituturo nila kung saan gagamitin ang SALN eh gagamitin namin yun,” ani Martires sa Kamara noong nakaraang buwan habang idinedepensa ang budget ng kaniyang tanggapan sa susunod na taon.
Subalit ayon kay Brosas, maraming nahuhuli sa SALN tulad ng ilang tauhan ng Bureau of Immigration na sangkot sa pastillas scam na biglang lumaki ang net worth pero hindi nila maipaliwanag kung saan nanggaling ang kanilang yaman. (BERNARD TAGUINOD)
