DUTERTE INIIWAN NA NG KAPARTIDO

ISA-ISA nang kumakalas ang mga politikong kasapi sa PDP-Laban na pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte habang paubos ang araw ng kanyang pamumuno sa bansa.

Maging ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) na partido ng anak ni Duterte na si Davao City Rep. Sara Duterte-Carpio ay nalagasan na rin ng miyembro.

Kahapon ay umalis na sa PDP-Laban si Bacoor City Mayor Lani Mercado at nanumpa na ito sa Lakas-CMD na pinamumunuan ni House Majority Leader Martin Romualdez.

Umalis na rin sa HNP ni Mayor Sara si Davao de Oro Rep. Manuel “Way Kurat” Zamora na lumipat din sa Lakas-CMD kung saan kasama ng mga ito ang may 17 governors na nanumpa sa nasabing partido.

“Lakas-CMD party is growing stronger and better every day. Our focus now is to use the party’s strength to help our people in this time of COVID-19 (coronavirus disease-19) pandemic,” ani Romualdez matapos panumpain sina Mercado, Zamora at 17 gobernador na mula sa iba’t ibang political party kasama na ang PDP-Laban.

Unang kumalas sa PDP-Laban sina Camiguin Rep. XJ Romualdo, Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Sharky Palma, Zamboanga del Sur Rep. Leonardo Babasa Jr., Biliran Rep. Gerardo Espina Jr., Bataan Rep. Geraldine Roman, at Dinagat Rep. Alan Ecleo.

Bukod sa Lakas-CMD ay nakakuha na rin ng ibang partido ang dating miyembro ng PDP-Laban sa Kamara.

Dahil dito, umaabot na sa 48 miyembro ng Lakas-CMD sa Kamara bukod sa 22 party-list na affiliated sa nasabing partido kaya sa kabuuan ay 70 na ang puwersa ng mga ito sa Kapulungan.

Sa kabila nito, sinabi ni Romualdez na ipagpapatuloy ng mga ito ang pagsuporta kay Duterte lalo na sa mga programang nakabubuti sa mamamayang Filipino.

May impormasyon din ang Saksi Ngayon na marami pang PDP-Laban congressmen ang nakatakdang lumipat sa ibang partido bago ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa Oktubre para sa 2022 national at local elections. (BERNARD TAGUINOD)

163

Related posts

Leave a Comment