DUTERTE SINAGOT NI ABALOS?

PUNA ni Joel Amongo

SINAGOT ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa isyu ng pagkakasangkot ng mga opisyal ng Philippine National Police sa illegal drugs.

Ayon kay Abalos, tinitiyak niya sa publiko at sa dating Pangulo na ginagawa nila ang kanilang trabaho.

Matatandaang kamakailan, inakusahan ni dating Pangulong Duterte ang PNP na “gatekeeper” ng illegal drug trade sa bansa.

Kaya hinamon ni Duterte na magsipag-resign na lamang ang mga pulis na ito kung hindi nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga trabaho.

Ang tinutukoy ni Duterte ay ang pagkakakumpiska sa 990 kilos ng shabu na may halagang P6.7 billion, sa WPD lending company na pag-aari ni Master Sgt. Rodolfo Mayo, Jr., na isang miyembro ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG).

Sa operasyon ng pulisya laban kay Master Sgt. Mayo, nagkaroon ng tangkang pagtatakip (cover-up) na nabisto sa pamamagitan ng mga video na iprinisinta ni Abalos kamakailan.

Mismong si Abalos ang nagbulgar na mayroon “Massive Attempt Cover-up” sa kinasasangkutan ni Police Master Sgt. Mayo, Jr.

Kung mayroon ngang maraming tangkang pagtatakip o cover-up sa illegal na aktibidad ni Mayo, ibig sabihin mayroong silang gustong pagtakpan, ‘yan ang tumbukin ng mga humahawak sa imbestigasyon ng kaso.

Hindi maiwasan na ma-PUNA ni dating Pangulong Duterte ang nangyayari ngayon sa PNP na lantaran na ang pagkakasangkot sa ilegal na droga.

At hindi mga ordinaryong pulis kundi matataas na mga opisyal pa nito ang nababahiran ng kontrobersya sa bulto-bultong droga na itinago ni Mayo sa kanyang lending company.

‘Yung sinabi niyang “gatekeeper” ang pulis sa kalakalan ng illegal na droga sa bansa, parang lumalabas na tagapag-imbak na lamang sila ng shabu ng sindikato?

Ibig sabihin, utusan na lang ang mga pulis ng sindikato ng illegal na droga, wala na ang sinasabing, “To serve and protect” sa taumbayan? Doble ang ganansiya ng mga pulis na ito, kumita na sila sa kanilang mga sweldo, mas malaki pa ang kanilang kinikita sa illegal na droga.

Kamakailan, kinasuhan na ang 50 tauhan ng PNP kabilang na ang dalawang heneral, matapos na tanggapin ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., ang kanilang courtesy resignation.

Kabilang sa mga kinasuhan ay sina dating PNP Deputy Chief for Operations P/Lt. Gen. Benjamin Santos, Jr., at dating PNP Drug Enforcement Group Director, P/BGen. Narciso Domingo, Police Colonel Julian Olonan, Lt. Col. Arnulfo Ibañez, Lt. Col. Glenn Gonzales at iba pa.

Kung kinakailangang maging state witness si Master Sgt. Mayo para ituro niya ang kanyang mga kasabwat sa illegal na aktibidad niya, ay gawin na.

Kailangan maging seryoso ang gobyerno sa kanilang kampanya laban sa illegal na droga kahit sino pa man ang kanilang masagasaan dahil kung hindi ay magiging “ningas-kugon” lang ito.

Maganda na sana ang nasimulan ni dating Pangulong Duterte na paglaban sa illegal drugs, ngunit kung magiging malambot ang PBBM admin sa paghahabol sa mga nasasangkot dito, ay masasayang lamang ang lahat ng mga pinaghirapan.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

204

Related posts

Leave a Comment