DYIPNI BALIK-KALSADA NA

APRUBADO na ang pagbabalik pasada ng mga tradisyunal na jeep simula ngayong araw ng Biyernes.

Ito ay matapos payagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na muling makabiyahe ang mga dyipni sa bisa ng apat na pahinang Memorandum Circular ng ahensya na may petsang June 30.

Sakop ng pagbabalik operasyon ang nasa 6,002 unit ng jeep na bumibiyahe sa 49 na ruta.

Bukod sa mga ruta sa loob ng Metro Manila, mayroon din ilang ruta na binuksan mula sa NCR papunta sa ilang kalapit na lungsod sa labas.

Ayon sa LTFRB, dapat rehistrado sa LTO ang mga jeepney unit, gayundin may valid na personal passenger insurance policy ang mga ito.

Inobliga naman ng ahensya ang mga operator para sa regular na inspeksyon ng temperatura at lagay ng mga driver.

Bago sumakay ang pasahero, dapat daw may thermal scan para sa temperatura at foot bath sa mga terminal; pati na ang pagpapasagot sa isang passenger contact form.

Kabilang sa paiiraling health protocol ang paglalagay ng barrier o pagitan ng mga pasahero.

Ang mga driver ay dapat naka-face mask. Ang mga tsuper na magpopositibo sa COVID-19 ay dapat isailalim agad sa quarantine.

Nilinaw ng ahensya na mananatili sa P9 ang minimum fare ng mga jeep, at madadagdagan lang ng P1.50 kada susunod na kilometro.

Ayon sa LTFRB, posible pang madagdagan ang bilang ng mga ruta na kanilang bubuksan, depende sa dami ng mga commuter na kailangan ng pampublikong transportasyon. (TJ DELOS REYES)

133

Related posts

Leave a Comment