BULACAN – Nanawagan ang netizens sa lalawigang ito na linisin ng kapulisan ang talamak na online gambling, partikular ang kilalang online sabong na umano’y sumisira sa maraming pamilya, maging mga batang mag-aaral.
Ang panawagan ay ipinaaabot nila kay DILG Secretary Jonvic Remulla at kay PNP Chief Nicolas Torre at sa Cybercrime Investigations and Coordination Center na sinasabing nangunguna sa kampanya ng gobyerno para puksain ang mga illegal online platforms.
Itinuturo ng isang opisyal ng Kapitolyo rito na ang lugar na pinagdarausan umano ng ilegal na sabong sa internet ay isang gamefarm sa Barangay Pulong Bayabas, San Miguel na ang pangalan ay OBET CAYETANO FARM.
“Maraming nagkalat na master agents ang nagpapataya, at ang online na tayaan ay makikita mo celfon sa kamay ng kahit mga batang mag-aaral,” pahayag ng nagsusumbong na opisyal.
Dagdag nito: “Maging nga pulis at kasundaluhan at mga kawani ng mga tanggapan ng mga lokal na pamahalaan ay naaadik sa sugal na e-sabong.”
Kamakailan lamang ay nagpalabas si Sec. Remulla ng memorandum sa lahat na tauhan ng mga lokal na gobyerno at maging ng kapulisan na bawal sa kanila ang makisali sa online gambling.
Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos, sa pamamagitan ng Executive Order nitong No. 09, na bawal o illegal na ang online sabong.
Sa panawagan ng netizens ay hinikayat nila ang mamamayan sa buong pamayanan ng lalawigang ito na maging aktibong makilahok sa pagsugpo ng anomang klase ng ilegal na sugal, lalo na ang e-sabong.
“Kaya maraming tamad na padre de pamilya ang nalulong sa e-sabong, at maraming nakawan ng mga manok ang nangyayari sa aming lugar dahil dedma lang ang mga otoridad ng lalawigan sa mga nangyayaring ilegal tulad dyan sa Obet Cayetano Farm sa Barangay Pulong Bayabas sa San Miguel,” pagtatapos ng nagsumbong na opisyal ng Kapitolyo.
