TINANGGAP ni Lilibeth Romero-Garcia ang inaprubahang resolusyon sa Senado kasama ang mga bigating artista na sinaksihan ng mga senador. (DANNY BACOLOD)
SA botong 22-0-0, inaprubahan ng Senado kahapon sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2505, o ang “Eddie Garcia Bill,” na magbibigay proteksyon sa mga manggagawa sa pelikula at telebisyon mula sa hindi patas na pagtrato at magsisiguro ng maayos na kondisyon sa trabaho.
Sinaksihan ng napakaraming artista ang pag-apruba sa naturang bill.
Ayon kay Labor Committee Chairman Senator Jinggoy Estrada, sponsor ng bill, pagtupad sa pangako ng Senado na itaguyod ang kapakanan ng mga manggagawa sa pelikula at telebisyon at pagkilala sa kanilang trabaho ang pag-apruba sa panukala.
Bagaman ang pagpanaw ng batikang aktor na si Eddie Garcia ang nagbunsod sa panukalang batas, sinabi ni Estrada na sinimulan ng kanyang ama, ang noo’y aktor pa at San Juan Mayor Joseph “Erap” Estrada, ang pagtutulak na mapaayos ang kapakanan ng mga manggagawa sa pelikula at telebisyon sa pamamagitan ng pagtatatag ng Movie Workers Welfare Foundation (MOWELFUND).
Ang Eddie Garcia bill, ay naglalaman ng mga probisyon para sa pagpapatupad ng oras ng trabaho, sahod at iba pang benepisyo na may kaugnayan sa sahod, social security, at mga benepisyo na tinitiyak na mapangalagaan ang kapakanan, maayos na kondisyon at pamantayan sa trabaho pati na rin ang insurance coverage.
Ang mga employer ay obligado ring magbigay ng mga kontrata sa trabaho.
Itinatakda rin ng panukalang batas ang pagtatatag ng Movie and TV Industry Tripartite Council na binubuo ng mga kinatawan mula sa gobyerno, mga employer, at mga manggagawa sa industriya ng pelikula at TV.
(DANNY BACOLOD)
