BALIK kompetisyon na si Pinoy pole vaulter EJ Obiena matapos maoperahan sa tuhod nitong nakaraang buwan.
Limang indoor pole vault tournaments ang lalahukan ngayong buwan ng kontrobersyal na Tokyo Olympian, na patuloy na naiipit sa gusot sa kanyang national sports association (NSA), Philippine Athletics Track and Field Associaton (PATAFA).
Ayon sa Instagram post ni Obiena, una siyang sasabak sa ISTAF Indoor Athletics Meet sa Berlin, Germany sa Pebrero 4 kung saan idedepensa niya ang napanalunang gold medal nang makapagtala ng 5.80 metro.
Kasunod nito ang Italy-based Beijier Pole Vault Gala sa Uppsala, Sweden sa Pebrero 9, kung kailan inaasahang makahaharap niya si Olympian at world pole vault record holder Armand Duplantis.
Pagkatapos dito ay lilipad si Obiena sa Lodz, Poland para sa Orlen Cup sa Peb. 11 kung saan nag-silver finish siya at nagtala ng bagong Philippine indoor pole vault record matapos tumalon ng 5.86 metro.
Itutuloy rin ng Asian record holder ang kanyang laban sa Meeting Hauts de France sa Lievin sa Pebrero 17.
At huling torneo ni Obiena ngayong buwan ang Orlen Copernicus Cup sa Torun, Poland sa Pebrero 22 kung saan nakasungkit siya ng tansong medalya noong nakaraang taon.
Magugunitang hindi natuloy ang 25-anyos na Pinoy pole vaulter sa 2022 season debut niya sa Init Indoor Meeting sa Karlsruhe, Germany noong Enero 28 dahil nagpapagaling pa siya mula sa operasyon sa tuhod.
172 