EKSPERTO, ‘DI POLPOLITIKO SA DOE

SA napipintong pag-upo ng ika-17 Pangulo sa Hunyo, higit na kailangan ang ibayong pagkilatis sa mga itatalaga sa iba’t ibang departamento.

Sa nakalipas na tatlo’t kalahating dekada, nagmistulang gantimpala sa mga sumuporta sa kandidatura ng mga nagdaang pangulo ang mga sensitibong pwesto sa pamahalaan – kabilang ang Department of ­Energy, isang kagawarang higit na ­angkop ang pagtatalaga ng mga eksperto higit pa sa mga kasanggang politiko.

Usap-usapan sa hanay ng mga kilalang negosyante ang hangad na pamunuan ng artistahing anak ni dating ­Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang DOE. Ang totoo, lubhang kritikal ang naturang departamento dahil sa enerhiya nakasalalay ang ekonomiya ng bansa.

Paano ang operasyon ng mga pabrika kung walang kuryente? Ang mga mag-aaral, paano mag-aaral kung nababalot ng karimlan at alinsangan ang silid-aralan? Paano pupunta ang mga manggagawa patungo sa kanilang trabaho kung tuluyan nang tatalikuran ng mga tsuper at operator ang pamamasada dahil sa sukdulang taas ng presyo ng krudo at gasolina?

Ilan lang ‘yan sa mga malulumpo sakaling maluklok sa DOE ang isang kalihim na ignorante sa masalimuot na sektor ng ­enerhiya.

Minsan kong nakakwentuhan sa telepono ang mahusay na lider-negosyanteng si Sergio Ortiz Luis na tumatayong ­presidente ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP), bukod pa sa itinuturing siyang haligi sa likod ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Phil­Export.

Aniya, higit na angkop na maupo sa naturang ahensiya ang isang taong nakapagpamalas ng husay, sapat na ­kaalaman at ­tapang na manindigan sa ikabubuti ng bansa. Hindi man niya direktang binanggit, mas ­lumalabas sa aming ­maiging kwentuhan na pabor siyang sa loob na ng DOE humugot si incoming President Ferdinand Marcos Jr. ng susunod na kalihim ng nasabing departamento.

Sa isang banda, tama rin naman. Hindi na kailangan pang mag-aral ng itatalagang DOE Secretary. Walang ­masasayang na oras lalo pa’t higit na kailangan ang agarang tugon ng gobyerno sa gitna ng nag-aalimpuyong sentimyento ng iba’t ibang ­sektor bunsod ng dagok na dala ng napakamahal na kuryente at produktong petrolyo.

Hindi kailangang sumugal ng susunod na pangulo sa bulong ng isang kaalyadong nangungulit ipwesto sa DOE ang anak na si Mikey Arroyo na nahaharap sa kabi-kabilang asunto – kabilang ang tax evasion.

Hindi pwedeng tawaran ang posisyon ni Ortiz-Luis, lalo pa’t itinuturing siyang haligi sa larangan ng komersiyo. Hindi hamak na mas alam niya ang kahihinatnan ng bansa kung isang trapo na naman ang ­hahawak ng naturang departamento.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

137

Related posts

Leave a Comment