CAVITE – Patay ang isang election leader ng nanalong mayor ng Naic makaraang pagbabarilin ng dalawang armadong ‘di pa nakikilalang mga suspek habang pababa sa kanyang sasakyan sa nasabing bayan noong Sabado ng hapon.
Isinugod sa San Lorenzo Hospital ang biktimang si Shackie Denajiba y Lauriano, 40-anyos, ng Brgy. Sabang Naic, Cavite at sa naging election leaders ng nanalong Naic mayor na si Rommel Magbitang, subalit idineklarang dead on arrival.
Tinutugis naman ang mga suspek na nakasuot ng blue jacket, gray shirt, maong pants at puting cap
Ayon sa ulat, bandang alas-5:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Brgy. Sabang, Naic, Cavite.
Pababa sa kanyang sasakyan ang biktima nang lapitan ito ng mga suspek at pinaputukan ng ‘di nabatid na kalibre ng baril.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek at sumakay sa isang itim na scooter sa direksyon ng Trece Martires City habang ang biktima ay isinugod sa ospital
Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa CCTV para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek upang madakip ang mga ito.
(SIGFRED ADSUARA)
