PATULOY na dumarami ang dismayado sa mahigit apat na taong pananatili sa Korte Suprema o Presidential Electoral Tribunal (PET), ng protestang elektoral ni dating Senador Ferdinand
“Bongbong” Marcos II (BBM) laban kay Bise Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo.
“Malinaw na ito ay sinadyang pinabagal upang may makinabang sa usad-pagong na proseso ng katarungan,” pahayag ni RJ Javellana, pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC).
Si Javellana ang ikatlong personalidad na bumatikos sa kaso ni BBM sa PET.
Ang dalawang naunang bumatikos sa kabagalan ng PET sa kaso ni BBM ay sina Atty. Larry Gadon at Atty. Jose Sonny Matula.
Kumbinsido sina Gadon at Matula na maling umabot sa mahigit apat na taon ang reklamo ni Marcos sa PET.
Idiniin pa ni Matula na mayroong problema ang bansa sa justice system dahil sa kabagalang magdesisyon ng mataas na korte sa mga kasong hawak nito.
Naniniwala rin si Javellana na “delaying tactics” ang manatili sa PET mula 2016 hanggang ngayong 2020 ang electoral protest ni Marcos laban kay Robredo hinggil sa pagkapanalo ng huli sa halalan para sa pagka-pangalawang pangulo ng bansa noong Mayo 2016.
Kumbinsido si Marcos na malaganap ang ginawang pandaraya ng kampo ni Robredo sa eleksyon, matibay na dahilan ng una upang maghain ng protesta laban sa huli sa mataas na korte noong Hunyo 29, 2016.
Noong Oktubre ng nakalipas na taon, napunta kay Associate Justice Marvic Leonen ang pagiging “ponente” (susulat ng desisyon ng PET) makaraang magretiro si Justice Alfredo Benjamin Caguioa.
Mula rito, nagpasya ang PET sa pangunguna ni Leonen na ituloy ang “third cause” na kahilingan ni Marcos.
Ang nilalaman ng nasabing mosyon ni Marcos ay reklamo niya sa malaganap umanong pandaraya ng kampo ni Robredo sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao.
Hiningi ni Leonen ang “memoranda”, o komentaryo nina Marcos at Robredo hinggil sa desisyon ng PET.
Nagpasa ang dalawa nitong Enero.
Ngunit, makalipas ang halos isang taon mula nang mapasakamay ni Leonen ang kaso ni BBM ay nitong Setyembre lamang naglabas ng kanyang ponente si Leonen.
Ang utos ni Leonen ay ipasa sa Commission on Elections (Comelec) at Office of the Solicitor General (OSG) ang kaso upang makapagkomentaryo ang mga tanggapang ito sa electoral protest ni
Marcos, kabilang ang third cause na sinang-ayunan ng PET.
Ayon kay Javellana: “maling-mali ang ganitong “delaying tactics”.
Ito ay pumapabor sa nakaupo (Robredo).”
Ipinaliwanag din ng pangulo ng UFCC na “ang mga ganitong uri ng kaso, lalo na kapag kasama ang kapakanan ng publiko ay dapat tapusin sa pinakamaikling panahon.” (NELSON S. BADILLA)
129