SA ikalawang araw ng filing ng Certificates of Candidacy (COC) ng mga sasabak sa 2022 national elections na ginaganap sa Sofitel Harbor Garden Tent sa Pasay City ay dumating si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinamahan ng pangulo ang kanyang long-time aide na si Senador Christopher “Bong” Go sa paghahain nito ng COC para sa pagka-bise presidente.
Ganap na alas-3:24 ng hapon kahapon nang maghain ng kanyang kandidatura si Go sa harap ng Comelec officials. Tatakbo si Go sa ilalim ng partidong PDP-Laban (Cusi faction).
Samantala, nasa kabuuang 17 indibidwal naman ang naghain ng kanilang certificate of candidacy at certificate of nominations and acceptance (CONA) habang na-disqualify naman ang Lingkod Bayanihan Partylist dahil hindi kumpleto ang dalang mga dokumento.
Sinabi naman ng Comelec na tatanggapin pa rin nila ang CONA ng partido sa sandaling makumpleto nito ang requirements.
Ang paghahain ng COC para sa May 9, 2022 national and local elections ay sinimulan nitong Oktubre 1 at magtatapos sa Oktubre 8, 2021. (JG TUMBADO)
