HINDI na kailangang maipasa ng government employees ang civil service eligibility para maging regular ang mga ito sa trabaho kapag nakapagserbisyo sila ng 5 taon sa gobyerno.
Ito ang nilalaman ng House Bill (HB) 8475 na inakda ni North Cotabato Rep. Ma. Alana Samantha Taliño Santos, upang mabigyan ng tsansang umangat ang contractual at casual employees sa gobyerno.
Base aniya sa record ng Philippine Statistics Authority (PSA), umaabot sa 3.8 million ang empleyado sa gobyerno kasama na ang mga nagtatrabaho sa Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC).
“However, there are a lot of casual and contractual employees in the government, who carry out regular and permanent jobs but without guaranteed security of tenure and social protection,” ayon sa mambabatas.
Isa mga dahilan kung bakit hindi nare-regular ang mga empleyado ay dahil sa kawalan ng mga ito ng civil service eligibility na makukuha lamang kapag naipasa ang civil service examination.
Ang nasabing pagsusulit ay ibinibigay ng Civil Service Commission (CSC) ilang beses sa kada taon para sa mga Filipino na gustong magtrabaho at maging regular employees sa gobyerno.
(BERNARD TAGUINOD)
